Pinay na may apat na anak, natagpuang patay na puno ng saksak sa bahay nito sa Melbourne

Arestado at kinasuhan ng murder ang dating partner at ama ng mga anak ng biktima nito.

Filipina murder victim in Melbourne, Czarina Gatbonton Tumaliuan

Filipina murder victim in Melbourne, Czarina Gatbonton Tumaliuan Credit: Czarina Gatbonton Tumaliuan Facebook

Humarap sa korte ang isang lalaki na inakusahang pumaslang umano sa isang babaeng natagpuang patay sa likod-bahay na sugatan dahil sa pananaksak.

Natagpuan ang katawan ng 42-anyos na babae bandang 9:05 ng umaga noong Huwebes sa isang bahay sa kanlurang bahagi ng Melbourne matapos may tumawag sa Emergency Services.

Ayon sa pulisya, natagpuan ang biktima sa likod-bahay na may mga sugat dulot ng pananaksak. Sa ulat ng ABC News, kinilala ang biktima na si Czarina Gatbonton Tumaliuan na may apat na anak habang ang lalaking inakusahan na pumaslang ay ang dating asawa at ama ng mga anak nito na si Jessie James Tumaliuan.

Inaresto naman ang 41-anyos na si Tumaliuan sa isang bahay sa Retford Close, Werribee, at kinasuhan ng murder ng kinagabihan ng araw na iyon.

Humarap si Tumaliuan sa korte Biyernes ng umaga na nakasuot ng puting T-shirt, kung saan itinakda ang mga petsa para sa kanyang susunod na pagdinig.

Humiling ang prosecutor ng tatlong buwan upang makalikom ng karagdagang ebidensya bago ito ipasa sa defence team ni Tumaliuan.

Iginiit nitong kailangan pa ng dagdag na panahon ang pulisya upang maunawaan ang eksaktong sanhi ng pagkamatay at makuha ang mga pahayag ng pamilya ng biktima na nasa ibang bansa.

Hiniling ni Magistrate Andrew Halse kay Tumaliuan na tumayo habang sinasabi niyang mananatili itong nakakulong hanggang sa susunod na pagdinig.

"No application for bail was made at this stage," aniya kay Tumaliuan.

Tumango naman si Tumaliuan at dinala palabas ng korte ng mga custody officer.

📢 Where to Catch SBS Filipino

🔊 On Air – Tune in to SBS Filipino on and and TV Channel 302 from 10 AM to 11 AM AEST daily.

📲 Catch up episodes and stories – Visit or stream on , , , and

📣 Follow Us on Social Media – Stay updated by following us on and .

Share
Published 28 March 2025 5:55pm
Updated 29 March 2025 12:18pm
By AAP, TJ Correa
Source: SBS

Share this with family and friends