, isa sa pinakamalambot, pinaka-fluffy at pinaka-cheesy na ensaymada sa Melbourne, ay nabuo dahil sa pagka-miss sa isang pinakamamahal at sa pagkaing kinalakihan.
Galing sa Pangasinan, hindi noon marunong mag-bake ang ngayong bagong Australian citizen na si Marishell Evangelista. Ngunit, kapag naninirahan ka sa ibang bansa, maghahanap ka talaga ng paraan upang maka-konekta sa mga tao at pagkaing mahal mo.
Baker ang partner ni Ms Evangelista, at sa Pilipinas siya ngayon nakatira. Habang nag-uusap ang dalawa sa pamamagitan ng video, pinagkasunduan nilang gamitin ang panahong ito na mag-bake ng sabay. Dito siya natutong mag-bake ng ensaymada.
“Na-mimiss ko yung mga pagkain natin sa [Pilipinas]…mga bread natin. Nung naghahanap ako dito, nahirapan ako. Kaya sabi ko, ako na lang kaya ang gumawa.”

Marishell Evangelista learned how to bake ensaymada while video chatting with her partner. Source: Marishell Evangelista
Ginawa nga niya ito, at sa iba't iba pang uri gaya ng classic cheese, ube, yema, pandan, almond nutella, at vegan.
Bilang isang home baker, sabi ni Ms Evangelista na siya ay isang hobbyist lamang at hindi negosyante. Sa bagay, kaya naman tinawag na Weekend Ensaymada ang kanyang produkto ay dahil Sabado't Linggo lamang siya may panahong mag-bake. Bagama't hobby lang ang Weekend Ensaymada, naperpekto na ni Ms Evangelista ang kanyang produkto dahil sa mga paalalang ito:
1. Matrabaho ang paggawa ng ensaymada.
“Everything was manual in the very beginning,” aniya ng tandaan niya ang panahong wala pa siyang mixer, “Talagang masa talaga ako.”
2. Gumamit ng activated instant yeast.
Ayon kay Ms Evangelista, binebenta ang yeast bilang active dry yeast o instant yeast. Upang buhayin ang active dry yeast, kailangang lagyan pa ito ng maligamgam na tubig at asukal. Kapag masyadong mainit ang tubig, 'namamatay' and yeast.
Instant yeast ang ginagamit ni Ms Evangelista dahil direkta na itong ginagamit sa dough.
3. Konsiderasyon ang panahon sa Melbourne.
Bumabagal ang pag-alsa, at minsa'y hindi umaalsa ang dough kapag malamig ang panahon. Dahil dito, sabi ni Ms Evangelista na mas madaling mag-bake ng tinapay kapag tag-init.
“Sa atin, sa Pilipinas, napakadali lang talagang magpa-alsa ng tinapay,” aniya, “Yun yung isa sa mga challenges ko sa paggawa ng ensaymada dito. It takes me six hours para magawa yung ensaymada kasi longer yung time ko ng pagpapa-alsa ng dough.”
4. Maliit lang ang i-bake, at i-bake ito sa mababang temperatura.
Habang higit sa limang oras ang kailangan upang tumaas ang dough, ang baking time ng ensaymada ay 10 minuto lamang.
Saad ni Ms Evangelista na gumawa ng ensaymada na kasing-laki lamang ng cupcake, at huwag itong lutuin sa mataas na temperatura. Kapag masyadong mataas ang temperatura, titigas ang labas ng ensaymada ngunit under-cooked ang loob nito.
5. May mga bagay na kailangang alalahanin kapag magbebenta ka ng baked goods.
May Facebook page si Ms Evangelista kung saan pinopromote niya ang kanyang mga produkto gamit ang mga stylised na litrato. Sumasali din siya sa mga food fair para magbenta.
“Kung gusto nilang magbenta eventually, kailangan meron silang Food Handling certificate. And depende dun sa product na gusto nilang ibenta, they might need a Food Supervisor [certificate],” payo niya sa mga home bakers na gustong magbenta ng kanilang mga produkto.
Kung gumawa ka ng ensaymada sa bahay o di kaya'y bumili mula kay Ms Evangelista, ito ang isang recipe na malapit sa ANZAC cookies na maari mong gawin gamit nga mga leftovers:
Mga sangkap:

Toasted ensaymada reminiscent of ANZAC cookies Source: Weekend Ensaymada
6 pcs ensaymada
1/8 cup matikilya
4 tbsp dark brown sugar
2 tbsp glucose syrup
4 tbsp gatas
1 itlog
Paraan ng pagluluto:
1. I-preheat ang oven sa 175 Celsius ng 20 na minuto.
2. Sa isang saucepan, tunawin ang matikilya, asukal at glucose syrup sa ibabaw ng mahinang apoy. Ibuhos ito sa isang bowl at itabi.
3. I-flatten ang ensaymada. Ibabad ito sa mixture.
4. Sa isa pang bowl, i-whisk ang gatas at itlog.
5. Ibabad ang ensaymada sa mixture bago ito ilagay sa cookie tray.
6. Tostahin ang ensaymada na 25-30 na minuto o hanggang maging caramel-brown ang mga ito.
BASAHIN DIN