Isang patikim ng Pinoy 'longganisa'

Vigan longganisa

Source: Supplied by Danyal Syed

Ang ‘longganisa’ ay isang kastilang ‘sausage’ na naging paboritong agahan ng mga Pilipino. Sa Pilipinas lamang matatagpuan ang daan-daang iba’t ibang lasa ng ‘longganisa’ dahil sa malawak na etnikong grupo sa bansa. Isa sa pinaka-popular ay ang ‘longganisa’ mula Vigan.


Dinala ni Jonathan Manglinong sa Sydney ang awtentikong ‘longganisa’ mula sa Ilocos sa pagsisimula ng negosyong ‘Buchogs longganisa’ dalawang buwan na ang nakakaraan. Kanya mang pinagsasabay ang kanyang pag-aaral at trabaho – sa pagiging estudyante mula sa Western Sydney University at pagiging nars sa ospital – si Jonathan ay nakakahanap pa rin ng oras para sa iba pa niyang interes.

Ang pagpoproseso ng ‘longganisa’ ang isa sa kanyang mga hilig. Kanyang naperpekto ang lasa ng kanyang mga ginagawang ‘longganisa’ hindi dahil isa sa kanyang kapamilya ay nagturo sa kanya ng  resipe ngunit dahil sa mga nakaraang taon - mula sa pag-oobserba sa kung paano ito ginagawa ng kanyang mga kapitbahay - patuloy siyang nagpursige na mahanap ang mga rikados na gagawin ang ‘sausage’ na kalasa ng tunay na ‘longganisa’ mula Vigan.

Kanyang natamo ang nais niya matapos niyang makuha ang mga positibong komento mula sa kanyang mga ‘customers’. Kanya ring ibinahagi ang komento ng isang ‘chef’ na nagsabi na noong kanyang natikman ang ‘longganisa’, pakiramdam niya ay dinala siya nito sa kanyang ala-ala noong panahong siya ay nasa Vigan. Si Jonathan ay nakaramdam ng tagumpay matapos marinig ito.
Buchogs Longganisa
(Right) Owner of Buchogs Longganisa, Mr Jonathan Manglinong Source: Supplied by J. Manglinong
Ibinahagi ni Jonathan kung paanong niluluto ang ‘longganisa’ mula Vigan

1. Tusukin ang ‘sausages’.

2. Ilagay sa kawali na naglalaman ng isang tasa’t kalahati ng tubig.

3. Hayaang kumulo ang tubig hanggang ito ay mawala at hintayin ang mantika na lumabas mula sa ‘sausages’.

4. Painitin ito ng ilan pang minuto hanggang ito’y ma-‘caramelise’.

5. Ihain ito kasama ng sinangag o tinapay pati na ng kape o mainit na tsokolate para sa isang masarap na almusal.

Dahil sa inobatibong pamamaraan ni Jonathan sa kanyang negosyo, siya ay nakabuo ng mga bago at masarap na mga produkto. Kanyang idinagdag sa kanyang ispesyal na ‘longganisa’ mula Vigan ang ‘empanada,’ ‘lumpianada,’ ‘lumpianiza’ at ‘mushroom crackling’ at iba pa. Hindi katagalan mula ngayon, lilikha na rin si Jonathan ng ‘salmon’ at ‘tuna’ na ‘longganisa’ para sa mga maalaga sa kanilang kalusugan.

 


Share