Pagiging aktibo at pagtulong sa kapwa sa gitna ng pandemya: isang grupo ng mga Pinoy nakahanap ng paraan para gawin ito

FILSPARC

Members and volunteers of Filipino Sports Arts & Recreational Club in one of their food-pack giving. Source: FILSPARC

Naging hamon para sa ilan ang mapanatili na maging aktibo at makalabas ng bahay nang magsimula ang pandemya. Marami ang nanatili muna sa bahay para makaiwas sa sakt. Nakahanap naman ng paraan ang isang grupo ng mga Pinoy para makapagsama-sama habang nag-eehersisyo.


Habang tinitiyak ng grupo na sila'y sumusunod sa mga ipinapatupad na social distancing measures, magandang pagkakataon ang "Fitness at the Park" na magkasama-sama bilang isang pamayanan habang nag-eehersisyo.

"Sa kasalukuyang pandemya, ang karamihan ng mga tao, 'yung mga iba hindi nakakalabas ng kanilang mga tahanan, wala silang ibang nagagawa kundi manood ng TV, mag-alala, so ito ay isang paraan para magkaroon ng engagement ang ating community," ani Jojo Laquian, pangulo ng FILSPARC.


 

Mga highlight

  • Dapat na pangunahin na layunin ng bawat isa sa atin ang pagpapanatiling malusog at maayos ang ating pangangatawan lalo na sa gitna nitong pandemya.
  • Layunin ng grupong Filipino Sports Arts & Recreational Club na pangunahan at hikayatin ang komunidad na lumabas at sumama sa mga gawaing pangkalusugan.
  • Bukod sa mga gawaing panlibangan, sinimulan ng grupo ang kanilang lingguhang "FItness at the Park".
 


Nagsimula sa kanilang ginawang "Fitness at the Park" noong nagdaang araw ng mga ama, ngayon linggu-linggo ng ginagawa ng grupong Filipino Sports Arts & Recreational Club (FILSPARC) ang pagtitipon-tipon para mag-ehersisyo.

"Mukhang natuwa ang mga kasamahan natin kaya linggu-linggo na natin gagawin ito. So every Sunday morning, 'yung mga miyembro ng Filipino community na available, pwedeng magsama-sama para makapag-stretch at exercise ng konti, lalo na marami sa atin ang hindi masyadong makakalabas," dagdag ng pangulo ng FILSPARC.
FILSPARC
Members of the Filipino Sports Arts & Recreational Club during their first 'Fitness at the Park'. Source: FILSPARC
Sa pangunguna ng mga opisyal ng FILSPARC, naghahanap ang grupo ng mga paraan na mapanatiling aktibo ang kanilang mga miyembro sa bawat kaganapan na kanilang ginagawa.

"Ini-encourage namin ang community na ma-motivate, ma-inspire sila na maging physically, mentally at socially fit. Dito makikilala niyo 'yung mga dating hindi n'yo kasama at kaibigan," dagdag pa ni G. Laquian.

Bukod sa mga gawain kaugnay ng kalusugan, aktibo rin ang grupo sa kanilang mga ginagawang pagtulong sa mga kapwa Australyano tulad na lamang ng kanilang isinagawang fund-raising event para makatulong sa mga lugar na naapektuhan ng mga bushfire noong nagdaang tag-init ng 2019.

At nito nga'y, sa pagtulong sa mga kapwa Pilipino, lalo na iyong mga temporary migrants at international students, na nahihirapan ngayon dahil sa epekto ng pandemya.

"Bukod sa mga recreational activities, isinagawa namin ang food drive na ongoing pa rin siya together with the Association of Pinoy Students in Australia (APSA)," pahayag ng myembro ng Board ng FILSPARC na si Len Puzon.
Filipino communty
FILSPARC, lead by its president Jojo Laquian are finding ways to stay active even during the pandemic. Source: FILSPARC
Nobyembre ng nabuo ang grupo na may pangmatagalang layunin na sa kalauna'y makapagtayo ng sariling klab ng mga Pilipino.

Ang FILSPARC ay binubuo ng mga miyembro ng komunidad Filipino na layuning maghikayat at magtaguyod ng mga gawaing panlibangan, kultura, at isports sa lumalaking pamayanang Pilipino.

Kasama sa kanilang mga aktibidad ang makatulong na mapabuti ang kalusugan at kabutihan ng mga kasapi nito, magsulong ng pagkakaisa at pakikipagkapwa.

BASAHIN DIN / PAKINGGAN



Share