Highlights
- Australian Biosecurity officers ang nag-iinspeksyon sa mga produkto galing sa ibang bansa.
- Ang mga hayop sa Australia ay ligtas sa sakit na foot-and-mouth disease, avian influenza H5N at African swine fever.
- Ang pagkain na gawa sa gatas o may gatas gaya ng cakes, honey at mga halamang dagat ay dapat isasailalim sa inspeksyon, pero ang bigas at mga beans ay bawal makapasok sa bansa.
Istriktong ipinapatupad ng Australia ang biosecurity law para masigurong ang lahat ng mga pumapasok na kalakal o dinadala ng mga pasahero dito sa bansa ay hindi magdadala ng sakit o anumang epekto sa kalikasan at industriya ng agrikultura.
Ang tanggapan ng Department of Agriculture, Water and the Environment ang tagapamahala para ma-kontrol ang lahat ng produkto na galing ibang bansa sa pamamagitan ng Biosecurity Import Conditions system o BICON.
Pero sabi ni Alan Self, ang Operations Manager sa Brisbane Airport, responsibilidad ng mga pasahero na alamin kung ano ang legal na dalhin at hindi, papasok sa bansa.
Sa pamamagitan ng Incoming Passenger Card, inaatasan ang lahat ng mga pasahero galing sa ibang bansa, na ideklara ang dalang produkto gaya ng mga pagkaing gawa sa karne at halaman pati mga pasalubong na gawa sa kahoy.
Paglapag ng eroplano sa airport dito sa bansa, isa-isang ini-inspeksyon ng mga Biosecurity officers ang mga idineklarang produkto, bago desisyunan kung ligtas ba itong ipasok sa bansa, o kailangan pa ng treatment o export o kailangang sirain dahil may dala itong sakit o peste.
May mga produkto din na pinapayagang makapasok pero kailangan ng special import permission.
"Ang prutas ay pwedeng magdala ng insekto o sakit sa hayop na wala dito sa Australia. Dati, may prutas na nadala sa Queensland at nagdala ng papaya fruit fly. Nagdulot ito ng pagkalugi ng 20 milyong dolyar sa exportation.”
Maingat ang mga awtoridad sa bansa dahil dito sa Australia walang sakit ang mga hayop gaya ng foot-and-mouth disease, avian influenza H5N at African swine fever. Ito ang iniiwasang sakit na makapasok sa bansa dahil banta ito sa ekonomiya ng agrikultura, kaya dapat ideklara ang lahat na produktong dala lalo na ang karne.
“Kaya dapat ideklara kung may dalang meat products, gaya ng dried beef o pork products, salami o sausages, dahil kapag may dala itong sakit, apektado ang ekonomiya ng bansa pati presyo ng bilihin dito.”
Kabilang sa legal na makakapasok sa bansa ang mga isda na kuha mula sa dagat, pero dapat ay wala na itong bituka at hasang.
“Maari kang magdala ng filleted fish, maliban sa mga isda na nakukuha sa freshwater o tabang na tubig gaya ng salmon o trout pero isda sa dagat pwede dapat wala ng hasang at bituka."
Kung may dalang produkto na may gatas tulad ng cake, honey at halamang dagat dapat ideklara para sa inspeksyon, pero bawal at iligal ang pagdala ng bigas, beans, o kahit anong buto ng halaman, kahit sa personal lang na gamit.
“May tanim na bigas, beans gaya ng chickpeas, soybeans, lentils at monggo dito sa Australia baka may sakit ito. At kung magdadala at magtanim dito, mawalan ang bansa ng kita dahil nag-export tayo.”
Pwede din na magdala ng itlog, buhay na hayop, halaman at wooden products kapag may valid na import permit.
“Tinitingnan natin kung ang mga buto ng sawing wood ay pwedeng ipasok kailangan lang ideklara para matingnan kung kasama ito sa pwede ipasok.
At babala sa mga hindi nagdedeklara ng kanilang mga dalang produkto, malaki ang multa na nahihintay sa kanila.
Ang multa ay mula $444 para sa maliliit na paglabag gaya hindi pagdeklara ng dalang itlog. Kapag nahulihan ng fresh na prutas na hindi dineklara, $1332 at pinakamataas ang hindi pagdeklra ng dalang karne $2600.
Dagdag ni Manager Allan Self kapag hindi idineklara ang kalakal o produktong dala at ang mga ito ay kabilang sa ipinagbabawal dahil sa dalang peligro sa bansa, posibleng magiging dahilan ito para ipagkait sa isang pasahero na makapasok sa Australia.
“Kapag hindi nagdeklara ng dala at ang produkto ay may dalang peligro sa bansa at nahuli posibleng ikansela ang kanilang visa, lalo na silang non-Australian citizens gaya ng student visas, 457 visas, transit visas o tourist visa.”
Paalala naman ni Australian Border Force Acting Superintendent Matthew Rowe sa lahat ng mga pasahero na papasok dito sa bansa, maging maingat sa pagbili ng mga souvenirs para dalhin dito.
Bawal ang mga armas gaya ng strolling stars, crossbows, knuckle dusters, at marami pang iba na nabibili sa ibang parte ng Asia at hindi lang sila pinamumulta, maaring kasuhan.”
At kung pagdadala ng armas naman ang pag-uusapan mas mahigpit ang Australia, dapat kumuha ng permit sa Department of Home Affairs bago payagan itong makapasok.
“Maraming bagay ang hindi pinapayagan na makapasok sa bansa at kung firearms, kailangan ng permit na isyu ng estado o police force para maka-import ng baril or armas.
Kung may sakit at kailangan magdala ng gamot, ideklara ito at dapat may kasamang reseta o sulat galing sa doktor, na gamit ay ang wikang Ingles para maintindihan.
“Dapat ang reseta ay galing sa doktor at dapat bitbit ito kasama ng gamot pagdating sa border kung saan idedeklara at inspeksyonin ng mga awtoridad.”
Pero kapag hindi sigurado o duda sa dalang mga produkto isa lang ang payo ni Rowe, ideklara sa incoming passenger card ang lahat ng dala mula sa ibang bansa at kausapin o ilapit ito sa Australian Border Force officer para matulungan at ng hindi malagay sa alanganin ang pagpasok sa bansa.
“Kapag nasa airport na sa Australia at may dalang galing ibang bansa at hindi alam kung bawal o iligal ito, humingi ng tulong at ipaalam ito sa ABF officer. Kung kailangan ng translator maraming makakatulong na ABF officer para sagutan ang Incoming Passenger Card.”
Para sa karagdagang impormasyon tungkol sa mga produktong maaring dalhin papasok dito sa Australia, bisitahin ang .
At kung may planong magdala ng sigarilyo, alcoholic drinks, electronic equipment at mamahaling gamit gaya ng alahas, i-check muna ang detalye nito sa .