Key Points
- Bank-to-bank, at mga money transfer company ang madalas na ginagamit na paraan ng mga migranteng Pilipino para magpadala ng pera sa Pilipinas.
- Sa taong 2023, umabot sa 8.5 porsyento ang naimbag ng OFW remittances sa ekonomiya o GDP ng Pilipinas.
- Sa mga naglalabasan na digital na uri ng kaperahan tulad ng cryptocurrency, maraming mga Pilipino, tulad ni Wilma O'Brien mula Young, NSW, ang hindi pa handa para sa ganitong tipo ng pera.
LISTEN TO THE PODCAST

Filipinos sending remittances to families back home
26:27
Padala para sa pamilya
Bago taong 2019, kadalasa'y buwan-buwan kung magpadala ang aged care worker na si Wilma O'Brien sa kanyang mga magulang sa Dumaguete sa Negros Island sa timog ng Pilipinas, bukod pa sa tulong na ibinibgay din niya sa ibang mga kamag-anak.
"Every month ang padala ko, pero depende rin talaga sa kailangan nila [ng pamilya ko]," ani Wilma.
"Nang ma-diagnose ang daddy ko ng Alzheimer's disease, isang uri ng dementia, mas naging madalas ang pagpapadala ko," lahad ng ginang.
Taong 2020 nang matukoy ang sakit ng ama ni Wilma at naging kada tuwing sahod o kada dalawang linggo ang kanyang naging remittance.
"Bukod sa mga regular na bayarin, pagkain at ibang kailangan sa bahay, sinisigurado ko na lagi akong makapagpadala para sa panggamot ng daddy ko," kwento niya.
Labing-pitong taon nang naninirahan sa Australia si Wilma O'Brien pero bago para man ito lumipat DownUnder, mahaba na ang karanasan nito bilang isang overseas Filipino worker (OFW).
Napilitang mangibang-bansa ang ngayo'y aged care work na si Wilma nang siya'y 23-taong-gulang lamang nang maagang mabalo mula sa kanyang unang asawa at kailangang magsikap para sa naiwang anak. Sampung taon siyang nagtrabaho bilang domestic helper sa Singapore bago lumipat sa Malaysia at dalawang taon na naging OFW doon.
Ligtas na transaksyon
"Dugo at pawis ang naging puhunan para lang makatulong lang sa pamilya," nang balikan ni Ginang O'Brien ang madalas niyang pagpapadala para sa pangangailangan ng kanyang pamilya,
Para sa residente ng Young, New South Wales, mahalaga para sa kanya na matiyak na ligtas na makakarating ang kanyang ipinapadalang suporta para sa mga mahal sa buhay.
"Iyong pagpapadala ko ng pera ay para sa pagpapadoktor at panggamot ng papa ko at pagkain nila [ng mama at kapatid ko]."
Dati'y sa pamamagitan ng bangko ipinapadala ni Wilma ang kanyang remittance, ngunit simula nang madiskubre ang ginhawa at bilis ng online money transfer ito na ang kanyang ginamit.
"Mabilis lang kasi, wala pang 10 minutes matatanggap na nila 'yung pera sa Pilipinas."
"Pasalamat din ako na lahat ng padala ko ay natanggap nila at wala akong naranasan na insidente ng panloloko," paliwanag niya.
Sa ngayon masaya siya sa paggamit ng mga online money remittance service at wala itong balak na magpalik ng remittance service na ginagamit.
'Online at digital currency'
Walang problema si Wilma sa online o digital na pagpapadala nang pera, dahil aniya, sa ngayon ito na ang kanyang ginagamit.
"Iyong pagiging cashless na pagpapadala, okay lang sa akin 'yun kasi 'yun na ang gamit ko ngayon."
Ang problema lang aniya, ay iyong sa parte ng tatanggap ng padala lalo na iyong mga matatanda.
"Hindi kasi sila tulad ng mga henerasyon ngayon na magagaling na sa digital, gaya ng mama ko, sa banko pa talaga siya nag-wi-withdraw."
"Isa pang konsiderasyon ay kung wala silang akses sa internet."
Pagdating naman sa mga bagong uri ng mga salapi partikular sa tinatawag na cryptocurrency, sa ngayon hindi pa handa si Wilma O'Brien na subukan ito.
"Naririnig ko na 'yun cryptocurrency, pero hindi ko 'yun pinapansin dahil hindi ko alam ang tungkol doon eh."
"Natatakot ako dyan kasi pera ang pinag-uusapan at baka may scam dyan eh."
"Marami akong naririnig pero hindi ako interesado na matutunan dahil hindi ko nga alam kung paano gamitin."