Dapat bang kumuha ng private health insurance?

Medicare - AAP Image/Mick Tsikas

Source: AAP Image/Mick Tsikas

Ang Medicare ay ang universal health insurance system dito sa Australia, kung saan lahat ng mga Australians ay tiniyak na makabenepisyo ng tama kung pag-uusapan ang kalusugan ng isang tao. Pero halus kalahating populasyon ng mga Australians ay may private health insurance, para makaiwas sa mahabang pila sa mga pampublikong ospital o kaya para makakuha ng dental care at ang iba naman ay para sa tax benefists lang. Ang tanong tuloy, talaga bang importante na kumuha ng private health insurance?


Highlights
  • Ang private health insurance ay nagbibigay ng opsyon sa mga pasyente na makapagamot ayon sa kanilang gusto an hindi na kailangang pumila sa pampublikong ospital
  • Hindi lahat ng kumuha ng private health insurance ay ginagamit kung hindi gusto lang nilang umiwas sa pagbayad ng Medicare levy surcharge
  • Ayon kay Professor Yuting Zhang ng Melbourne Univesity, bago kumuha ng private health insurance kailangan pag-isipan ng mabuti kung magagamit ito dahil dagdag ito gastos
May malaking papel ang ginagampanan ang Medicare sa buhay ng mga Australians, dahil ito ang sumasagot  sa pagpapacheck up sa doktor o GP, pati pagpapagamot at admission sa ospital, meron pang libreng resitang gamot na ibinibigay lalo  pa’t kung ang gamot  ay napabilang sa Pharmaceutical Benefits Scheme.

Hindi lang mga Australian citizens at permanent resident ang nakakabenepisyo ng Medicare, pwede din ang mga  temporary visa holders, gaya nilang naka-partner visa , protection at skilled regional sponsored visas.


 

 

Pero kung marami ang benepisyo meron din hindi kanilang sa cover na gastos ng Medicare gaya ng pagtawag ng  ambulansya kapag may emergency, pagbili ng  eyeglasses o contact lenses, pati  ang osteopathy at marami pang iba.

Benepisyo ng pagkakaroon ng private health insurance

Ayon sa senior executive ng private health insurance na Medibank na si Milosh Milisavljevic,  ang pagkakaroon ng private health insurance ay nagbibigay sa mga Australian ng karapatan na makapili at maibsan ang pasanin o pressure sa public health system.

“Aabot sa  13 milyong Australians ay may  private health cover, higit sa kalahating populasyon ng bansa ay may private health insurance," kwento ni Milisavljevic.

Kapag  may gagawing operasyon o surgery sa isang tao at hindi naman ito emergency o tinatawag na elective surgery procedures, seguradong sasabak ito sa mahabang pila sa mga pampublikong ospital.

Pero kapag may private health insurance ang isang tao, pwedeng diretsong ma-operahan sa pribadong ospital at hindi na kailangang maghintay ng matagal.

Sa madaling salita , kapag may private health insurance, agad kang magagamot  ng doktor na ayon sa kagustuhan at panahon ng pasyente, yan kapag hindi emergency ang kondisyon.

Dagdag ni  Milisavljevic  ito ang dahilan kung bakit marami ang kumukuha ng  private health insurance.

“Unang dahilan kung bakit kumuha ng private health insurance ay peace of mind, na may sasagot agad sa pagpapagamot kung anong mangyari at pangalawa,  makaka-access ka sa health services, doktor at ospital na sa gusto mo."
Medibank - AAP Image/Dan Himbrechts
Source: AAP Image/Dan Himbrechts
Kapag ginamit mo ang iyong private health insurance sa pagpapagamot, posibleng may excess na babayaran at gap fee kapag ang bayad sa doktor at ospital ay mas mataas  kaysa coverage ng iyong  private health insurance. Pwede ding babaan ang insurance premium kapag may sapat ka na budget para sa excess mong babayarin. 

May payo naman si Uta Mihm na isang  senior journalist at private health insurance specialist sa kompanyang CHOICE. Kailangan umanong mamili muna kung ano ang bagay sa isang tao na health insurance, bago kumuha para sa  hospital at extra cover.

“ Karamihan sa mga Australians ay kumuha ng package sa isang insurance para sa pagpapa-ospital at extras. Makakamura ka kapag kumuha ng package sa magkaibang health funds, pampaospital at extra."

Dagdag pa nito hindi lahat ng Australians ay kumuha ng private health insurance dahil kailangan nito, kung hindi gusto lang nilang iwasang makabayad sa Medicare levy surcharge.  

“kapag ang kita mo ay  $90,000 (single) kailangan mong magbayad ng extra tax kapag wala kang private hospital insurance. at kapag may insurance policy ka mas mababa yon kaysa magbayad ng tax."

Sabi ni Yuting Zhang na isang professor ng  Health Economics sa Melbourne University, may mga diskwento ang gobyerno kapag  kukuha ng private health cover sa edad na 31 anyos.

“ May mga diskwento o refund kapag kumuha ka ng private health insurance at ang kita mo ay mababa pa threshold, pati sa edad at sa kita. Mayroon ding Lifetime Health Cover bago ang edad sa 31 dahil kapag lagpas na kailangan na magbayad ng penalty 2 % loading."

Dagdag pa ni Professor Zhang, hindi gaanong nakatulong ang incentives na ginawa ng gobyerno dahil maraming residente kahit may private health cover ay hindi ito ginagamit sa pagpapagamot.

“Maraming may private health insurance pero hindi naman ginagamit gusto lang nilang makaiwas sa pagbayad levy surcharge."
Doctor and patient - Getty Images/Ariel Skelley
Source: Getty Images/Ariel Skelley
At sa tanong na talaga bang mahalagang kumuha ng private health insurance, payo ni Professor Zhang, dapat pag-isipang mabuti  ito, lalo pa’t maganda ang health system ng bansa.

“Dapat i-consider sa pagkuha ng private health insurance ay ang benepisyo na maidudulot sa iyo, gaya ng pagpapagamot sa gusto mong doktor at ospital na hindi ka na pipila sa public hospital."

Dahil kapag kukuha ng private health cover at hindi naman gagamitin , seguradong dagdag gastos lang ito.

“Isipin mo nalang ang refund o discounts na makukuha mo at ang tax na kailangan mong bayaran. Marami ang kumukuha ng private health insurance dahil ayaw magbayad ng tax ang iba gusto magbayd para suportahan ang public hospitals, kaya okay lang na magbayad ng medicare levy surcharge.”

Dapat ding tandan ng lahat, na sa Australia hindi kasali sa medicare ang bayad sa ambulansya kung may emergency, maliban na lang kung kasama ito sa private health insurance coverage na kinuha. Kaya payo ng mga eksperto, pwedeng kumuha ng ambulance cover sa ambulance cover subscription sa state ambulance service.

BASAHIN O PAKINGGAN DIN

Share