Mga dapat malaman kaugnay sa sistema ng edukasyon sa Australia

Australian education system is split into four different stages. These includes pre-school, primary, high school and tertiary education.

Australian education system is split into four different stages. These includes pre-school, primary, high school and tertiary education Source: Getty Images

Sa episode na ito, tatalakayin natin ang sistema ng edukasyon sa Australia at paano ito naiiba sa ibang bansa.


Highlights
  • Ang pagsusulit o examination sa primary at high school ay paghahanda lang para sa tunay na pagsusulit sa Year 11, 12 at university.
  • Ang pampublikong paaralan ay boluntaryo ang kontribusyon habang sa pribado at independent schools, maaaring umabot sa $50,000 ang bayad sa isang taon.
  • Hindi lang academics ang tinututukan sa pag-aaral sa Austalia
Pakinggan ang audio

LISTEN TO
How does the Australian education system work? image

Mga dapat malaman kaugnay sa sistema ng edukasyon sa Australia

SBS Filipino

21:22


Ang  sistema ng edukasyon sa Australia ay nahahati sa apat ng yugto o stages. Ito ay ang pre-school,  primary , high school at panghuli, ang tertiary education o university at TAFE .

Ang pre-school o early education ay para sa mga bata na limang taong gulang pababa.

Sa yugtong ito tinututukan ang tinatawag na childhood development ng isang bata, at tinuturuan din sila para maging handa sa tinatawag na ‘big school'.

Ayon kay Marianne Santos na labing anim  na taon ng guro mula Pilipinas hanggang nakatungtong sa Australia nakapagturo sya sa pre-school  at kasalukuyang namamahala ng Learner’s Hub at nagtuturo din sa public high school sa Melton, Victoria,  sabi nito, talagang iba ang sistema ng edukasyon sa Australia.
Pre-schoolers learning in their classroom.
Pre-schoolers learning in their classroom. Source: Getty Images/FatCamera
“Sa Australia, kailangan ma-recognise muna ng mga bata ang upper case at lower case letters, kasi yon ang tinuturo sa pre-school. Kapag natutunan na nila ang upper case at lower case, susunod na pag-aaralan ang mga tunog ng mga letra."

Inamin ni Ms Santos, patakaran dito sa Australia na hindi binibigyan ng homework ng mga guro ang mga bata, subalit anito bilang isang tutor, parte ito ng after school learning, kung saan nakatutok sa mga aralin na kailangan matutunan ng mga mas batang mag-aaral.

“Para sa akin, mainam na bigyan ang mga bata ng targeted homework. Maraming matututunang skills ang mga bata sa paggawa ng homework.”
Helene Refuerzo, Assistant Principal Werribee Secondary College, Victoria
Helene Refuerzo, Assistant Principal Werribee Secondary College, Victoria Source: Helene Refuerzo
Sabi naman ng  Assistant Principal ng Werribee Secondary College sa Victoria na si Helene Refuerzo, may mahalagang dahilan kung bakit kaunti o minsan talagang walang homework ang mga batang nag-aaral dito sa Australia.

“Kaming mga educator sa Australia, naniniwala kami na hindi lang academic skills o academic talents ang kailangan. Kailangang ma-develop din ang kanilang musical abilities, physical abilities o social wellbeing.

Minsan hindi kami nagbibigay ng homework para magkaroon ng time ang mga bata sa ibang bagay. Para naman makalabas sila o mailakad nila ang aso nila, makipaglaro sila sa mga kapitbahay nila, o makasama nila ang pamilya nila - makakatulong ito sa kanilang mental health."

Ang primary school naman ay para sa mga batang may edad limang taong gulang pataas mula kindergarten, Year 1 hanggang  Year 6.

Dito dapat matututunan ng mga  bata ang basic skills sa tinatawag na tinawag na literacy at numeracy.
High school students learning inside their classroom
High school students learning inside their classroom Source: Getty Images/Daniel de la Hoz
Ang high school naman ay nagsisimula sa Year 7  o ang mga mag-aaral ay nakatungtong na sa labing dalawang taong gulang hanggang Year 12.

Ayon kay Assistant Principal Helene Refuerzo, dapat bago makatungtong sa high school may sapat ng kaalaman ang isang estudyante sa  pagbabasa, pagsusulat, maths at science.

“Dapat matututunan na nila ang complex numeracy  at literacy skills na kakailanganin para maintindihan nila yung mga topics na itinuturo sa high school.

Pagdating sa high school, naghahanda na sila sa pathways nila sa post-secondary schooling."

Ang panghuli ay ang tinatawag na tertiary education, gaya ng nasa university o uni at TAFE o Technical and Further Education.

Sa yugtong ito, ang mga estudyante ay nag-aaral na base sa kanilang gustong tahakin na propesyon o trabaho balang araw.

Maaari na silang mag-aral ng kurso na Bachelor’s o certificate ang level, pagkatapos nito ay mag-Master's degree o PhD kapag determinadong magpatuloy sa post-graduate study. Pero kapag gustong paunlarin o matututo  ng skills maaring pumasok sa TAFE o vocational courses.
Dennis Alonzo, Lecturer, Assessment, Evaluation and Teacher Education & Development, School of Education, UNSW Sydney
Dennis Alonzo, Lecturer, Assessment, Evaluation and Teacher Education & Development, School of Education, UNSW Sydney Source: Dennis Alonzo
Ayon kay Dennis Alonzo, isang Lecturer, Assessment, Evaluation and Teacher Education and Development  sa School of Education ng University of New South Wales dito sa Sydney, maganda  ang sistema ng edukasyon sa bansa at magkatugma ang lahat ng  hakbang na pinamamahalaan ng Department of Education at Tertiary Education Quality Standards Authority.

“Pagkatapos ng high school, kailangang isipin na nila kung ano ang kursong tatahakin nila o mga subjects na kukuhanin nila. Pwede silang kumuha ng vocational courses bago pumunta sa uni. Maraming pathways na pwedeng pagpilian dito. Hindi katulad sa Pilipinas, na kapag kumuha ka ng TESDA courses, hindi mo ito magagamit pagtungtong mo sa university. Dito sa Australia, kapag kumuha ka ng TAFE courses, pwedeng ma-credit ito kung kukuha ka ng university degree.”

Mas maikli din ang taon na gugugulin ng mga estudyante sa pagpasok sa university. At higit sa lahat, dahil kaunti lang ang oras sa eskwelahan, makakapagtrabaho ang mga estudyante.

“Yung mga kurso dito ay pili na ang mga subjects. Kung ano lang ang kailangan ng bata for numeracy and literacy yon lang ang focus ng mga subjects na kinukuha ng mga estudyante."

Halimbawa, kung kukuha sila ng engineering course, hindi na nila kakailanganin kumuha ng mga subjects na hindi akma sa kurso nila."
Students learning during computer class
Students learning during computer class Source: Getty Images/davidf
Nakatutok sa kabuuang paghubog ng pagkatao ng mga bata  ang edukasyon sa Australia kaya hindi lang pampublikong eskwelahan ang nag-ooperate dito, may  pribado at independent schools din.

Kumpara sa pampulikong paaralan na boluntaryo ang kontribusyon, mas mahal ang bayad sa mga pribadong paaralan.

"Kung titingnan ang performance ng public, independent , Catholic schools, halos walang pagkakaiba. Nakadepende na ang desisyon sa paniniwala ng mga magulang. Kung gusto ng magulang na matuto sa Catholic school ang anak nila, ipasok nila sa Catholic school.

Ako mismo ay produkto ng public school. At ang paniniwala ko bilang magulang, gusto ko ding matutunan ng mga anak ko na maging resilient at makisalamuha sa iba't-ibang tao,” paliwanag ni Ms Refuerzo.

Nakalatag din ang pinondohang programa ng gobyerno para tulungan ang mga bata sa kanilang pag-aaral, kasama na dito ang iba't-ibang extracurricular activities, tulad ng sport, musika at arts.

Para naman sa mga nasa university at TAFE,  may student loan na inaalok ang gobyerno sa mga estudyante kung saan makakapag-aral sila sa gusto nilang kurso at magbabayad na lang kung may sapat ng kita o sahod. 

Payo ng mga educators sa mga magulang, magtanong sa eskwelahan sa programa ng gobyerno para sa mga estudyante at suportahan ang mga anak. Nang sa gayun ay magiging maayos ang kanilang kinabukasan.

Pakinggan ang lahat ng episode ng Australia Explained sa pamamagitan ng Apple Podcasts, Google Podcasts, o Spotify.

Ang Australia Explained ay orihinal na nilikha ni Maram Ismail para sa SBS Arabic24.

 

 


Share