Kapag hirap sa buhay at kailangan ng legal assistance maaari na makipag-ugnayan sa Legal Aid Commission sa inyong estado o teritoryo o kaya sa mga community legal centres. At para sa mga First Nations maaaring tumungo sa Aboriginal and Torres Strait Islander Legal Services.
Pero nagpaalala si Dr Jeff Giddings, na isang Professor ng Law sa Monash University, dahil limitado ang pondo o funding ng mga nasa Legal Aid, hindi lahat ng kaso na idinudulog sa kanila ay kanilang tinatanggap.
Highlights
- Sa Australia, higit 170 independent not-for-profit community legal centres ay nagbibigay ng libreng tulong na legal assistance, gaya ng legal na payo, referrals, legal education, casework at representation services.
- Sa buong bansa, pwede na makahingi ng legal assistance sa lawyer on duty sa mga local courts at tribunals, lalo na kapag wala kang abogado
- Karamihan sa middle-income earner ay hindi eligible para sa Legal Aid grants
"Lahat ng dinudulog sa amin, binabalanse namin kung anong serbisyo na pwede maibigay ng Legal Aid o kaya lalaanan ng pondo o budget ung ibang abogado na tumulong sa kanila," kwento ni Dr. Jeff Giddings.
Ang lahat ng gustong makakuha ng Legal Aid ay dadaan sa Means and Merit test kung saan tinitingnan ang income at asset, ibig sabihin tinitingnan ng institusyong ito kung hindi mo kayang magbayad para sa legal services.
Inaalam din nito kung anong klase ng kaso ang kanilang hahawakan, criminal case ba ito, civil o family.
May pagkakataon kasi na ang isang tao ay kailangan lang ng impormasyon o legal advise sa kaso. Subalit, kapag kailangan ng abogado na mag-representa sa korte, dito na kailangan na mag-apply para sa legal aid grant.
Paunawa naman ng isang Professor ng Law sa Sydney University na si Simon Rice, karamihan sa mga middle-income earners ay hindi eligible para sa Legal Aid grants.
At base sa Australia National Legal Aid Statistics simula Hulyo 2020 hanggang Mayo 2021, 65 porsyento ay ipinagkaloob sa mga kalalakihan na nangangailangan ng legal aid at 33 percent naman ay sa mga kababaihan.
"Mahal ang bayad sa mga abogado at wala silang ibang alternatibo dahil hindi din sila eligible sa legal aid. Ang legal budget ay kadalasan napupunta sa tulong sa kalalakihan, sa criminal law."
Ayon sa CEO ng National Peak Body Community Legal Services Australia na si Nassim Arrage, ang kanilang mga community legal centres ay talagang nakalaan ang serbisyo para sa bawat tao sa komunidad na nangangailangan ng kanilang tulong.
Sa buong bansa, umaabot sa 170 independent, not-for-profit community legal centres. Kasama sa kanilang binibigay na serbisyo ang libreng referrals, legal education, mga legal advice, casework at representation services o kung kailangan ng may kakatawan sa isang tao sa loob ng korte.
"Naka-network na ang lahat ng serbisyo mula sa community level. Ang Community Legal Centres ay naka-network na din sa health services, kaya anong isyu ay madali lang dahil konektado na lahat."
Ipinapaabot din ni Arrage, na ang kanilang binibigay na legal assistance ay depende sa klase ng kaso na idinudulog sa kanila.
"Kapag ang dumulog ay biktima ng domestic violence, hindi nakakapagsalita o nakakintindi ng wikang Ingles, may kapansanan, minors o matanda, dun na kami magdedesisyon sa suporta na ibigay."
Sineguro naman nito na lahat ng mga dumudulog sa kanila ay binibigyan ng legal na payo. Isa sa kanilang natulungan ang kagaya ng isang domestic violence survivor na itatago sa pangalang Maria.
Tubong Argentina ito at ngayon dito na naninirahan sa Australia. Sa panayam nito sa SBS Radio sabi nito, maraming beses na itong humingi ng tulong sa pamamagitan ng Legal Aid sa NSW pati na din sa mga community legal centres.
“Naka-konsulta na ako sa ibat-ibang Legal (Aid) centres at community centres, kailangan mong magpa-appointment. May panahon na hindi ko naintindihan ang sinabi ng abogado, pero kailangan kong gawin."
Para naman sa mga kababaihan, sabi ng CEO ng Women's Legal Service Victoria na si Helen Matthews, libre silang nagbibigay ng legal na serbisyo at payo para sa mga kababaihan na biktima ng domestic violence o nakakaranas ng problema sa loob pamilya.
At dahil limitado ang kanilang pondo at pagsasanay, hindi lahat ng dumudulog sa kanila ay nabibigyan ng agarang tulong.
"Talagang pinipili namin yong talagang nangangailangan ng tulong, lalo na yong walang alam sa legal system dito. Mula sa representation sa korte hanggang at pagprocess ng dokumento ginagawa namin."
Sa buong Australia, sa mga local courts at tribunals maaring humingi ng libreng legal na payo o tulong ang sinuman, sa isang naka-duty na abogado doon, lalo na kapag wala kang abogado at may kasalukuyan kasong isinampa sa korte.
Limitado man ang kanilang serbisyo pero malaking tulong ito para malaman kung ano ang mga susunod na hakbang at kapag komplikado ang kaso, ang nakaduty na abogado ay pwedeng makatulong para ipagpaliban muna ang paglabas mo korte.
Dito kasi sa Australia, kapag sa criminal court isinampa ang kaso kailangan ang abogado pero kapag civil at family court pwede ikaw mismo ang magrepresenta sa iyong sa sarili sa korte.
Pero abiso ni Professor Simon Rice kahit pa ginawang simple ang proseso sa loob ng korte para sa mga nagrerepresent sa sarili gaya ng sa civil at family court, dapat pa ding merong sapat na legal na kaalaman, para sa kinakailangang dokumento at pagsagot sa loob ng korte at tribunal.
"Kahit gustong gawing kalmado at komportable ang loob ng korte, limitado ito dahil dapat independent ito dahil dapat batas at hustisya ang mangingibabaw."
Saad din ni Dr Jeff Giddings, ang Monash University ay may pinapatakbong Family Law Assistance Program kung saan tumutulong sa mga nag-rerepresenta ng sarili sa Family court.
Maliban sa Monash University, may programa din ang Griffith University, Deakin University, Bond University at marami pang iba na tumutulong sa nangangailangan ng suporta, payong legal, pati pagtuturo sa proseso ng korte, at lahat ng ito ay libre.
Sa kaso naman ni Maria, patuloy pa din ang pakikipaglaban nito sa usaping kustodiya ng mga anak sa Family Court. Dahil hindi nakapasa sa Legal Aid’s Means tests dahil sa napundar na ari-arian, nakakuha naman ng pro bono na abogado na tumutulong sa kanya.
Para sa karagdagang impormasyon tungkol sa pro bono na serbisyo sa inyong estado o teritoryo, bisitahin ang Australia Pro bono Centre website at National Legal Assistance Partnership.