Pakinggan ang audio
LISTEN TO

How to vote in Australia
SBS Filipino
09:02
Inaasahan ng Australian Electoral Commission[AEC] na aabot sa isang milyon bawat oras ang botante na dadagsa sa mga voting centres sa halalan sa buong bansa.
Lalo't sapilitan o compulsory ang pagboto ng mga botante na nakalista sa voter’s list ng bansa.
Highlights
- Ang pagboto sa bansang Australia sa panahon ng halalan ay sapilitan o compulsory.
- AEC binuksan ang maraming paraan sa pagboto, gaya polling centres, postal vote, mobile voting, telephone voting system, interstate voting centre at mga nasa ibang bansa na botante maaaring bumoto sa embahada ng Australia.
- Ang Australia ay gumagamit ng 'preferential voting' na sistema ng pagboto.
Ayon kay Jessica Lilley ang Media Officer ng AEC, dapat maseguro ng mga botante na mula sa kanilang lugar na kandidato ang kanilang ibinoto.
“Mayroon tayong 151 federal electoral divisions sa Australia, kailangan lang ilagay ang suburb o postcode sa website – aec.gov.au at agad lalabas ang pangalan ng mga kandidato.
Handa ding tumulong ang mga interpreter kung kinakailangan tumawag lang sila sa AEC sa 13 23 26."
Sa araw ng eleksyon, libu- libong mga voting o polling centres ang bukas sa buong bansa.

Remote polling centres in Australia. Source: AEC
At ang mga pasilyo ng simbahan at paaralan ang ginagamit ng AEC bilang polling centres. Makikita din sa website ang tanggapan ng mga lugar kung saan maaaring makaboto ang mga botante sa buong bansa.
“Ang ginagamit namin na tools ay hi-tech ilagay lang ang suburb at postcode lahat ng kandidato sa lugar ay lalabas at dun na din mismo pwedeng bumoto."
Dagdagni Evan Ekin-Smyth ang taga-pagsalita ng Australian Electoral Commission ang mga istasyon ng botohan ay nagbibigay instruksiyon kung paano bumoto at may mga nagtuturo din gamit ang ibang lingwahe, para sa hirap makaintindi at makapagsalita ng English.
“Para sa mga hirap sa English, may interpreting services kami. Maaari silang tumawag at nagbibigay din sila ng instruksyon kung paaano bumoto gamit ang sarili ninyong lingwahe kaya bumisita sa website aec.gov.au/translated."
Ang AEC mobile voting teams ay nag-iikot para puntahan ang mga residente na nasa residential care at malalayong komunidad sa gayun wala ni isang botante na hindi makaboto.
Maliban sa pagpunta sa mga voting centres, may mga paraan din na binuksan para makaboto.
“ Kapag hindi makaboto sa araw ng eleksyon, pinapayagan ang maagang pagboto sa mga early voting centres kung may balakid pa din maaaring gawin ang postal voting."
Para makapag-apply sa pagboto sa pamamagitan ng koreo, sabi ni Ms Lilley bisitahin ang website ng AEC matapos inanunsyo ng punong ministro ang araw ng eleksyon sa bansa.
“ Dahil sa COVID, mas bukas kami sa postal voting. Pinapayagan din namin na mag-apply ng postal votes ang mga hirap pumunta sa polling station dahil sa pandemya, tumungo lang sa aming website."
Kung sa panahon ng eleksyon ay naka-isolate dahil sa COVID maaring tumawag sa AEC telephone voting system.
Kung nakaplano o nagkataon na nasa ibang estado o teritoryo sa araw ng eleksyon, maaaring bumoto sa pamamagitan ng pagpapadala sa koreo o bisitahin ang interstate voting centre.
Samantala, kapag nasa ibang bansa sa panahon ng eleksyon maaari pa ding maka-boto. Bisitahin ang AEC website at makikita ang overseas notification forms, mayroon ding maraming opsyon na mapagpilian ng botante na naaayon sa sitwasyon nito. Kasama ding nag-aalok ng voting centres ang Australian High Commission o embahada ng Australia sa ibang bansa.
May paalala naman ang electoral analyst na si William Bowe sa lahat ng mga botante na hindi magpadala sa mga ibinibigay na impormasyon ng partido sa labas mismo ng polling centres sa mismong araw ng eleksyon.
“Ang ginagawa ng mga partido may mga tao silang namimigay ng cards tungkol sa ' how to vote' sa labas mismo ng polling centres. May inirerekomenda sila sa pagboto sa balota, hindi kailangan gawin yan rekomendasyon lang yan."
Dapat ding tandaan sa pederal na eleksyon kailangang bumoto para sa lokal na representante.
“Iniisip ng karamihan na ang eleksyon ay pagpili ng lider ng bansa subalit, tandaan ang magiging lider ng bansa ay ang lider ng isang partido na nakakuha ng maraming puwesto, so hindi direktang ikaw ang pumili ng lider ng bansa."
May dalawang balota na ibinibigay sa pagboto sa dalawang parliament house.
Ang berdeng balota ay para sa Kongreso, tinatawag din ito na House of Representatives o Lower House ng parlyamento.
Ayon kay Mr Bowe sa kasalukuyan may 151 na puwesto sa Kongreso at kumatawan ito sa bawat botante.
“Sa Kongreso o Lower House nabubuo ang gobyerno, at kung sinong partido ang nakakuha ng maraming puwesto sa Kongreso ang karaniwang bumubuo ng pamahalaan."
Ang lider ng partido o koalisyon ang magiging prime minister o punong ministro.
Para makaboto sa Kongreso gamit ang berdeng balota, lagyan ng bilang na 1 ang kahon na katabi ng napiling kandidato, pagkatapos ay lagyan ng bilang na 2 para sa susunod mong napiling kandidato, ipagpatuloy ang paglalagay ng numbero hanggang sa lahat ng kahon ay may nakasulat na bilang.
Samantala ang puting balota ay gagamitin para sa pagboto sa 76 na uupo sa puwesto sa Senado o Upper House.
Sabi ni Mr Bowe, dahil kailangang pumili ng kandidato para sa senado mula sa bawat estado o teritoryo malaki ang balota na ibinibigay sa mga botante lalo’t lahat ng kandidato sa isang estado ay nakasulat sa iisang balota.
“Simple lang ang pagboto dahil maaaring gawin ng 2 paraan. May mga kahon sa ibabaw nglinya at kahon sa ilalim ng linya. Pumili ng 6 na napupusuang partido at lagyan ng bilang 1hanggang 6.
Kung may napipisil ka na kandidato lagyan ng bilang o numero ang mgakahon sa baba ng linya o below the line, mula 1 hanggang 12."
Ang tawag sa sistema ng pagbotong ito ay ‘preferential voting’. At ang paglalagay ng bilang sa mga kahon para sa mga napiling kandidato sabi ni Mr Bowe ay napakamahalaga.
“Hindi lang ang may pinakamaraming marka na kandidato sa kanilang kahon sa balota ang mananalo. Kailangan nila ng 50 porsyento ng mga bumoto para manalo. Kung walang nakakuha ng 50 posyento tatanggalin ang nasa huling kandidato.
Balikan ulit ang balota at ikakalat ang boto sa napiling pangalawang kandidato, at tanggaling ulit ang nasa dulong kandidato hanggang may makakuha ng 50 porsyento ng boto sa kandidato."
Pahabol na paalala ni Ekin-Smyth mula AEC sa mga botante dapat sundin ang instruksyon sa balota. Dahil kapag hindi natapos ng maayos ang pagboto sa balota ay maituturing itong ‘informal vote’ at nangangahulugang hindi ito kasama sa bibilangin na boto.

Polling place at a state school in Townsville, Queensland. Source: Ian Hitchcock/Getty Images
Narito naman ang halimbawa ng mga hindi binibilang na balota kasama dito ang balotang nilalagyan ng tsek o ekis sa kahon imbes na lagyan ng bilang o numbero, o kapag ang balota ay may sulat na makapagturo na makilala ang isang botante.
Ang pagboto ay compulsory o sapilitan sa bansang Australia. Kapag hindi nakaboto at kahit may valid na rason, isasailalim pa ito sa pagsusuri ng AEC depende sa sitwasyon, halimbawa kung nasa labas ng bansa ang botante.
Subalit sa pangkalahatan sinumang bigong makaboto ay mahaharap sa multa sabi ni Ekin-Smyth ang taga-pagsalita ng AEC.
“Kapag nabigong makaboto sa eleksyon ang isang registered voter bibigyan namin sila ng non-voter notice. Kung may valid na rason at pasado sa pagsusuri walang multa kailangan lang ipaalam sa amin, pero kung walang tamang rason magbayad ng $20 na multa.
Kapag walang sagot mula sa non-voter notice na ibinigay ng tanggapan aabot ito sa korte at magbayad ng $170, kulang pa dito ang kaugnay na bayarin sa korte."
Gayunpaman, ang tunay na kaparusan ay hindi talaga ang multa kung hindi nawalan ka ng pagkakataon na makibahagi sa paghulma ng hinaharap ng bansang Australia, kaya bago mahuli ang lahat magsaliksik at bumoto sa araw ng halalan.