Highlights
- Pinapayagan nang bumiyahe sa labas ng bansa ang mga Australian citizen at permanent residents at makabalik na hindi sumasailalim sa quarantine pagpasok ng NSW, Victoria at ACT.
- Inaprubahan na kamakailan ng pandemic task force ng Pilipinas ang mas maiksing quarantine period para sa mga Pilipinong kumpleto ang bakuna na nagbabalak na umuwi ng bansa.
- Nananatili ang Australia sa "Yellow list" ng Pilipinas
Ipinagpaliban ni Margie Felias mula Melbourne ang planong pagbabakasyon sa Pilipinas ng tatlong buwan, dahil sa pangamba na baka maipit sa mga pagbabago sa travel restrictions at quarantine requirements ng bansa.
Tulad ng maraming Pilipino, kahit matagal nang inaasam na makapiling ang mga mahal sa buhay, malaking alalahanin para sa kanya ang mauubos na oras at gastos sa isang linggong hotel quarantine.
Sa mga uuwi ng Pilipinas mula sa Australia, dapat makapagpakita ng negatibong PCR test na ginawa sa loob ng 72 hours bago umalis ng bansa. Ikalawang opsiyon ay ang PCR test paglapag sa airport.
Kailangan din sumailalim sa hotel quarantine kahit fully vaccinated na kung saan magkakaroon ng swab test sa ikatlong araw. Palalabasin lamang ng quarantine facility ang biyahero kapag negatibo ang resulta ng test. Kailangan naman ipagpatuloy ang quarantine sa bahay hanggang sa ika-labing apat na araw.
Ang mga fully vaccinated travelers na manggagaling sa mga bansa at teritoryong nasa "green list" ay hindi na kailangan mag-quarantine pagdating sa Pilipinas.