Kaibigan ng tatlong Pinoy na namatay sa isang fishing trip sa Wollongong, nanawagan ng tulong

wollonggong fishing tragedy

Hindi akalain ng mga kaibigan at kaanak nila na ang simpleng libangan na pangingisda ay mauuwi sa trahedya. Source: Joelito Paquibot

Nagulantang ang buong komunidad sa Wollongong nang matagpuang patay ang tatlong Pinoy na unang naiulat na nawawala matapos mamingwit sakay ng isang bangka.


Highlights
  • Kinilala ang mga nasawi na sina Allan Cosme, Ronnie Jores at 19-anyos na anak nitong si Andrei.
  • Patuloy na iniimbestigahan ang dahilan ng pagtaob ng bangka.
  • Nanawagan ang mga pamilya, kaibigan at mga Pinoy sa Wollongong ng tulong para sa naiwan ng mga kababayan.

Hindi makapaniwala ang pamilya at mga kaibigan ng mga ito na sa isang iglap ay mauuwi sa trahedya ang simpleng paglaot ng magkaibigang Allan Cosme, Ronnie Jores at anak itong si Shane Andrei.

Namingwit din noon sa parehong lugar sa Ballambi Beach si Joelito Paquibot. Isa ito sa paborito nilang libangan lalo na kapag weekend. Pero hindi nila akalain na ito na ang huli para sa kanyang mga kaibigan.
 
 

"Nagfifishing din ako dun sa area kung saan nila pinarada ang sasakyan pero nung time na yun, ala singko ako dumating, pero umalis sila ng alas dos. May bangka kasi sila, pero dyan lang ako sa gilid. Ayoko mag bangka, natatakot kasi ako."


Matulungin at mabuti sa kapwa. Ganyan inalala ni Joelito Paquibot ang kasamahan sa Couples For Christ na si Ronnie.
wollonggong fishing tragedy
Si joelito, kasama ang mga kaibigang si Allan Cosme at Ronnie Jores Source: Joelito Paquibot


"Si Ronnie kumpare kasi namin yan. Yan yung tumulong sa amin nung dumating kami dito. Nakilala namin sila sa simbahan. Napakabait.

Hindi ko akalain. Minsan naiiyak na lang ako kapag naalala ko sila."

Pero doble ang kanyang pagdadalamhati, dahil maging ang matalik na kaibigan at tanging kasama sa bahay na si Allan ay isa rin sa mga nasawi.

"Since kami lang dito, yun ang kasama ko sa pagkain. Hati kami sa pagkain nun at sa lahat kaming dalawa lang kahit sa trabaho. Tinuturing ko na ngang kapatid sya kaya napakasakit at malungkot."

wollonggong fishing tragedy
Si Joelito, kasama ang kaibigang si Allan Cosme Source: Joelito Paquibot

Taong 2019 nang makarating ng Australia si Joelito at Allan para magtrabaho bilang Panel Beater sa Automotive Repairs company.

"Sa eroplano lang kami nagka kilala kasi magkatabi kami sa upuan pero di ko alam pareho yung kumpanya namin. Pagdating dito sa Sydney, inassign kami sa Wollongong."

Sa kasagsagan ng pandemya, nawalan ng trabaho si Allan pero natunghayan ni Joelito ang pagpupursige ng kaibigan para sa pamilya sa kabila ng hirap ng buhay.

Bagaman residente na sa Australia, breadwinner ng pamilya si Ronnie at naiwan nito ang asawa at dalawa pang anak na pawang mga nag-aaral pa.

Malaking dagok sa pamilya Jores ang pagkawala ng dalawang myembro na syang sandalan ng mag-iina.

Naka working visa naman si Allan na may asawa't tatlong anak na naiwan sa Pilipinas. Umaasa ang mga ito na maiuuwi agad sa bansa ang labi ng mahal sa buhay.

Pagtutulungan ng Filipino community

Kaya ngayon, nagtulong-tulong ang mga kababayan natin sa pangunguna ng Couples for Christ Sydney Southwest community na makalikom ng pondo para sa dalawang pamilya.

Isang gofundme account ang inilunsad ng samahan na layong makaipon ng $30,000.

"Sa lahat ng Pilipino dito sa Australia, tulungan po natin sila. Kawawa naman yung mga naulila."

Masakit mawalan ng kaibigan at mahal sa buhay. Pero umaasa si Joelito na sa pamamagitan ng mga donasyon ay matutulungan makabangon ang mga naulila ng malagim na trahedyang ito.

Patuloy naman ang pagbuhos ng pakikiramay ng mga Pilipino sa Australia.

Habang inaantabayanan rin ang resulta ng imbestigasyon sa naging dahilan ng pagtaob ng bangka na sinasakyan nila.

Share