Highlights
- Ang chicken humba recipe ni Will ay namana niya sa kanyang amah (lola)
- Ang sikreto na nagpapalasa ng chicken humba ay ang mga natural na sangkap at tradisyunal na pagluluto nito
- Chicken Humba, itatampok sa SBS Cook Up Show ni Australian Master Chef Winner Adam Liaw
Buong pusong inalala ng food enthusiast at kasalukuyang namamahala ng Sydney Cebu Lechon Native Filipino Restaurant dito sa Sydney na si Will Mahusay, ang pinagmulan ng kanilang signature dish na chicken humba, na ayon sa kanya, ang recipe ay mula pa sa kanyang namayapang amah o lola.
At sa araw-araw nyang pagluluto, walang humpay ang kanyang pagbibigay-pugay sa lola dahil ito ang nagbukas, ng kanyang mga mata sa pagkahilig sa pagkain at pagluluto kasama ang buong pamilya. Hanggang sa buksan nga nila ang kanilang Filipino restaurant na matatagpuan sa Newtown dito sa Sydney, Australia taong 1991.
“Galing sa aking amah( lola) ang recipe ng chicken humba, kapag nagluluto sya noon nanunuot sa buong bahay ang amoy kaya, ngayong ako na ang nagluluto, naalala ko si lola," kwento ni Will.
Sa pagbabalik tanaw nga ni Will, nagsimula umano ang kanyang pagkahilig sa pagkain at pagluluto noong sya ay pitong taong gulang lang at kwento nya kasa-kasama sya palagi ng kanyang lola sa tuwing mamalengke ng mga rekadong gagamitin sa kanilang mga lutuin.
“Marami akong magagandang alala kasama ang amah (lola) pumupunta kami sa Carbon market sa Cebu, ako naman taga-bitbit ng kanyang mga pinamili, gusto ko yon dahil binibili nya ako ng maraming candy bilang suhol," masayang pag-alala ni Will sa lola.At kahit matagal nang namayapa ang kanyang Lola, pilit nilang binubuhay ito sa pamamagitan ng kanyang turong recipe gaya lang ng pork humba.
Amah at Angkong with family Source: Will Mahusay
At dahil mahilig sa karne ng manok si Will para maiba din daw ang kanilang pagkain na sine-serve sa restaurant ginawa niya itong chicken humba. At ang pagluluto nito ay halos kaparehas lang ng pagluluto ng sikat na pagkaing Pinoy na adobo, na dinagdagan lang ng sangkap na pampalasa kasabay ng ilang proseso sa pagluluto .“ Sa luto kong chicken humba, ginigisa ko yong pampalasa, tapos saka ko na nilalagay ang star anise, pepper, tapos ang manok hanggang medyo brown pagkatapos yong suka at toyo," turo pa ng negosyanteng si Will.
Chicken humba, sinigang at longganisa-mga patok na pagkaing Pinoy Source: Leigh Dearden
Dahil sa ilang sekretong sangkap at ginawang proseso sa pagluluto, sabi ni Will, pag natikman ang kanyang chicken humba dito mo malalasahan ang kaibahan nito sa adobo.
“Ang diperensya ng humba at adobo ko, yong lasa medyo mas elevated yong sarap ng humba", dagdag pa nito.
Pinagmamalaki din ni Will na swak sa panlasang Pinoy ang kanyang humba at nilang gustong malasahan ang pagkaing sadyang ginawa para maipakilala ang kultura ng mga Pilipino.
Chicken Humba recipe ni Will
"Ang bersyon ng humba ko ay parang nag-aagawan ang lasang savoury at konting tamis ng sauce. Kaya siguradong mapapa-unlimited rice ka pag natikman mo," pakwelang sabi ni Will.
Para balik-balikan ng tao ang kanyang luto, sinigurado nilang masarap ito sa pamamagitan ng tradisyonal na braising o yong tinatawag na slow cooking na may tamang temperatura sa loob ng 30 minuto hanggang isang oras.
“Kalkulado ko na yong oras sa pagluluto, slow cook muna hanggang sa malambot a yong laman pero intact pa din sa drumstick, at nanuot yong lasa sa karne ng manok," kwento pa ng batang negosyante.Pero sambit ni Will higit pa sa negosyo at sa kanilang kakayahang magluto ang gusto nilang ibahagi. Dahil sa kanilang pagmamahal sa pagkain at pagluluto, gusto niyang maipakilala ang pagkain at kulturang Pilipino dito sa Australia.
Source: Leigh Dearden
Kinilala at pinuri din nya ang mga Pinoy na nauna nang nagbukas ng daan para ipakilala ang masasarap na pagkain at magandang kultura ng Pilipino dito sa tinatawag na pangalawang tahanan ng maraming Pinoy.
"Binibigyang pugay ko yong mga chef at mga Filipino Australian na may food business dito, dahil sila yong nauna para maipakilala yong Pinoy food sa mainstream Australia."
"Nagpapasalamat ako kina Chef Nina, sila Jonathan at Ash. Sila talaga yong nauna. Hangang-hanga ako sa kanila," nakangiting kwento ni Will.
At higit sa lahat, masaya na daw siya at kanyang pamilya, kapag nakakarinig ng magandang istorya mula sa kanilang mga customers.
Kaya plano ng pamilyang Mahusay, maliban sa Sydney, magtatayo din sila ng branch sa ibang lungsod gaya ng Melbourne sa tamang panahon.
"Sa Sydney Cebu lechon, talagang Filipino experience at Filipino food ang dinadala namin, gusto namin maranasan nila pagdating sa restaurant yong Pinoy hospitality, na parang nasa Pilipinas ka," masayang dagdag ni Will.
Isa lang ding ang nagpapabuhay sa kanilang mga pangarap lalo na ngayong may pandemya ang suporta ng mga kababayan.
"Napakasarap pakinggan yong mga feedback ng mga kababayan. Sabi nila kapag kumakain sila sa restaurant namin, parang nasa Pilipinas lang sila. Sa Bisaya: 'kon mokaon ko sa diha sa inyo murag naa ra ko sa Cebu," dagdag pa ni Will.At sa wakas, nagkatotoo nga ang hangarin ni Will na maipakilala sa buong Australia at sa ibang bansa ang pagkain at kulturang Pilipino.
Australia Master Chef Winner Adam Liaw with Will Mahusay, during their shoot for SBS' The Cook Up show Source: Will Mahusay
Dahil simula ngayong 16 ng Hulyo 2021 matutunghayan sa SBS Food TV show na The Cook Up with Adam Liaw ang kanyang nilulutong pagkaing Pinoy.
Ibinahagi din nito ang masaya at pambihirang karanasan kasama nito ang Australian Master Chef winner.
"Napaka-bait at humble ni Adam Liaw kahit first time naming magkita in-person, nakapa-welcoming, apat na episode yong shoot namin, gusto lang namin maipakilala ang Filipino food sa mainstream Australia" masayang kwento ni Will.
Maliban kay Will, maraming Pinoy ang bibida sa SBS The Cook Up show ni Adam Liaw, kung saan isa lang ang hangarin nito-ibandera ang ng bandila ng bansa dito sa Australia sa ngalan ng masasarap na pagkain.
"Pangarap naming lahat na kasabay ng magandang kultura ng mga Pilipino, maipakilala din sa buong mundo ang masasarap at pagkain Pinoy na kayang makipagsabayan sa ibang lahi."
ALSO READ/LISTEN TO