Tradisyonal na hinahanda ang Puto Bumbong tuwing Pasko sa Pilipinas. Literal itong nangangahulugang puto na niluto sa kawayan o bumbong. Ang kanin ay karaniwan na nakabalot sa dahon ng saging at nilalagyan ng mainit na butter o margarine, ginutay-gutay na buko at asukal.
Para sa mahilig magluto at foodie na si Geraldine Cleeman, hindi kumpleto ang Paskong Pinoy at Simbang Gabi kung walang Puto Bumbong.
"Tradisyon talaga yan eh part ng Simbang Gabi. Magsisimba ka tapos parang yun din ang reason kung bakit ka nagsisimba. Masarap kasi talaga at unique yung taste niya kaya talagang pipila ka. Mas mahaba pa nga ang pila doon sa Puto Bumbong kaysa sa doon sa church."
Sa edad na 8 taong gulang, na-master na ni Geraldine ang pagluluto ng mga kakanin. Salamat sa ina ni Geraldine na si Clara Ignacio na nagmula sa isla ng Leyte sa eastern Visayas.
Ayon sa kanya, mahilig sa mga kakanin ang mga Waray.
"Nanay ko kasi Waray, mahilig sila sa mga kakanin yung mga malagkit, mga luto sa coconut milk, kaya halimbawa pasko o birthday karamihan ganyan mga niluluto niya."
Habang ang Puto Bumbong ay tradisyonal na niluluto gamit ang isang bamboo tube steamer, sabi ni Geraldine sakaling wala ang instrumento, posible pa rin itong gawin sa bahay gamit ang regular steamer. Ang mga alternatibong sangkap ay mabibili din sa mga Asian grocery store sa inyong suburb.

Geraldine Cleeman mastered the art of cooking Filipino cakes at an early age with the help of her late mother Clara Ignacio. Source: SBS Filipino
Ibinahagi ni Geraldine Cleeman ang kanyang sariling bersyon ng masarap na Puto Bumbong.

Puto Bumbong, purple-colored sticky rice that must first be soaked, dried overnight, then steamed in bamboo shoots.The rice is usually wrapped in banana leaf. Source: SBS Filipino/ Getty images
Puto Bumbong ni Geraldine ( di-gagamit ng kawayan)
Oras ng paghahanda: 30 minuto
Oras ng pagluluto: 20 minuto
kabuuang oras: 50 minuto
Numero: 15-20 piraso
Mga sangkap
2 baso white glutinous rice
1 baso black glutinous rice (pirurutong)
1 baso muscovado o palm sugar
1 baso grated fresh coconut
butter o margarine
tubig ( tama lang para sa pagbabad ng kanin)
Paraan ng paggawa
1. Sa isang malaking bowl ihalo ang parehong glutinous rice, lagyan ng tamang tubig upang maibabad ito at hayaan ng 24 oras sa isang malamig na lugar.
2. Paagusin ang tubig mula sa kanin at ilagay sa isang food processor o blender, pulsohin upang magkaroon ng mabutil at basang consistency. Lagyan ng konting tubig habang ginigiling. Kailangan makuha ang isang magaspang ngunit pinong consistency tulad ng basa-basang buhangin.
3. Ilagay ang timpla sa isang mababaw na bandehang may konting mantika, ilagay sa steamer at pasinagawan ng 20 minuto sa mataas na init o hanggang maluto at lumambot.
4. Alisin mula sa bandeha ang lutong Puto Bumbong, hiwain at iporma ito ng maliit na pabilog, ilagay sa taas ng dahon ng saging at pahiran ng margarine sa taas, budburan din ng ginutay-gutay na buko at askual o muscovado at ihain.
Maari din gumamit ng quickmelt grated cheese.
PAKINGGAN AT BASAHIN DIN: