Si Warren Se ay lumipat sa Australia mula sa Macau noong Nobyembre 2019 sa pag-asang mabibigyan ng mas mahusay na buhay ang kanyang pamilya. Makalipas ang limang buwan, nang idineklara ang pandemya, hindi na makayang suportahan ng chef ang sariling pang-araw-araw na pangangailangan at kasalukuyang nakakaraos sa tulong ng lokal na komunidad para sa pagkain at upa ng bahay.
Napilitan ang kanyang kumpanya na pansamantala siyang alisin sa trabaho matapos na inihayag ng gobyerno ng Australia ang coronavirus lockdown at nabawasan ang operasyon ng restawran na nag-aalok lamang ng take-away.
“Nung i-declare ang lockdown at sabi ng employer ko wala munang trabaho para sa'kin, sobrang hirap dahil may mga bayarin ako tapos mga nahiram ko at dalawang credit card para sa pagpunta ko dito (Australia)," lahad ni Warren, "tapos kailangan ko rin magpadala sa pamilya ko, may seven-month old baby pa ako na naggagatas,”
Sa kabila ng kahirapan, nakakaraos si Warren Se kahit na "no work, no pay" siya ngayon sa tulong ng komunidad Pilipino-Australyano sa Dubbo pati na rin ang kabutihang-loob ng kanyang mga landlord na pumayag na huwag na munang magbayad ng upa sa bahay.
Mga Highlight
- Libu-libong mga negosyo sa Australia ang napilitang magsara o bawasan ang kanilang operasyon bilang epekto ng mga paghihigpit sa coronavirus.
- Inihayag ng pamahalaang Australia ang ilang mga pakete ng tulong kabilang ang $130 bilyong Jobkeeper program upang matulungan ang mga negosyong naapektuhan ng pang-ekonomiyang epekto dahil sa COVID-19 pandemic.
- Maraming mga tao, tulad ng temporary-visa holder na si Warren Se, ang hindi magamit ang Jobkeeper program dahil hindi nila matugunan ang mga kinakailangang requirement.
The kitchen is Warren Se's playground and comfort zone. Source: Supplied
Bilang pinakabago sa restawran, sa kasasamang-palad siya ang hindi nabibigyan ng anumang oras para magtrabaho.
Bagaman nalulungkot sa kanyang sitwasyon ngayon, masuwerte pa ring maituturing ang Pilipinong chef dahil pansamantala lamang siyang walang trabaho at hindi tinanggal sa kumpanya. Ito rin ang sentimyento ng kapwa Pilipinong chef na kasabayan nyang dumating sa Australya noong nakaraang taon.Nananatiling positibo si Warren na ang lahat ng ito ay lilipas din at babalik din ang lahat sa normal tulad ng dati.
Warren Se (right) with five other Filipino chefs when they arrived in Sydney in November 2019. Source: Supplied
"Medyo mabigat man ngayon ang sitwasyon ko at sobrang mas humirap, mas tumindi tumindi ang paniniwala ko sa Diyos dahil siya lang ang kinakapitan ko sa ngayon at siyempre sa mga taong tumutulong sa akin," pagtatapos ni Warren.