Labing-apat na mang-aawit at mga musikerong Pilipino na nakabase sa Sydney ang nagtanghal sa kanilang kauna-unahang online concert na tinawag na "Laban Kabayan" At Home Concert.
Ang konsiyertong ito ay para suportahan ang programang "Feed-A-Student", isang inisyatiba na layuning makapagbigay ng tulong na pagkain para sa mga Pilipinong international student sa Sydney.
Mga Highlight
- Mga lokal na musikero at mga organisasyon ng komunidad at mag-aaral nagkakaisa para suportahan ang inisyatibang programang "Feed-A-Student" para magbigay ng pagkain sa mga mag-aaral.
- Isa pang programa, ang "Adopt-A-Student" ay nagbukas naman ng pagkakataon sa mga lokal na pamilya sa Sydney na makapagbigay ng libreng tirahan sa ilang Pilipinong estudyante na nahihirapan na makabayad sa kanilang upa dahil sa nawalan ng mga trabaho.
- Libu-libong mga international student, marami sa kanila'y nagta-trabaho ng part-time o kaswal, ay nahaharap sa kahirapan sa pananalapi matapos na maipatupad ang mga paghihigpit ng COVID-19 at maraming mga negosyo ang nagsara.
Pinangunahan ng MENM Productions ang apat-na-oras na bihirang online concert na tampok sina Trinity Young ng Australia's "The Voice Kids", musical arranger/director Ronnie Dandan, The Voice Teens Philippines Sophie Dalisay at kapatid na si Jared Dalisay, mga singer na sina Brian Anderson, Jojo Sebastian, Myla Jones with Ferdinand Adion, Gina Fernandez, Cris Guce, Ronald Navarro, Mike Jumawan & Ross Vinculado at mang-aawit na naka-base sa New York na si Eric G.
Sa ngayon, ang "Feed-a-Student" program, na pinangunahan ng Association of Pinoy Students in Australia (APSA), ay nakapamahagi na ng mahigit sa 350 food packs sa mga nangangailangang estudyante sa buong Sydney.
"Even if they have their sponsors and are required that they are financially capable to study in Australia, given the current circumstances due to the pandemic, everyone is affected", ani ni Vida Fernandez, nagtatag ng APSA, nang maisipan na maghatid ng tulong sa mga international student.
Katuwang ng APSA ang maraming lokal na negosyo, mga lokal na pamilya at boluntaryo sa pagbibigay ng tulong sa mga nangangailangang mag-aaral.

"Feed-A-Student" program aims to provide grocery packs to international students in need. Source: APSA
Ilang mga lokal na pamilya ang nagbukas ng kanilang mga pinto upang patuluyin pansamantala ang mga Pilipinong mag-aaral na nangangailangan ng matitirhan hanggang sa matapos ang krisis sa COVID-19.
Sa Australia, mahigit sa 14,100 Pilipino na international student ang nag-aaral sa bansa base sa tala ng Department of Education, Skills at Employment ng Australia.