Unli street food, patok sa mga Pinoy sa Sydney

street food, pinoy food

Source: SBS Filipino/Edinel Magtibay

Sinong hindi matatakam sa sari-saring pagkain na nakahain sa gilid ng mga kalye sa Pilipinas na ngayon ay nabibili na rin sa mga Filipino restaurant sa Australia. Hatid ng bawat tuhog ang mga kwento at ala-ala mula sa pagkabata.


Malayo pa lang ay amoy na ng food blogger na si Ed ang usok ng masarap na barbecue sa labas ng kanilang Unibersidad nood nag-aaral pa lang sya sa Maynila. Ito daw ang palagi nyang inaabangan pagkatapos ng klase.

"Sa labas ng University Belt hanggang dun malapit sa Recto marami. After school, bago sumakay ng jeep, pick up muna ng street food then busog ka hanggang pagdating sa bahay."

Limang piso lang noon ang bawat tuhog o stick ng isaw, tenga, ulo ng manok, paa, dugo o betamax.

Habang piso naman ang kikiam at singwenta sentimo ang fishball. Sa mga tulad nyang nagtitipid, ito ang swak na meryenda sa kanyang budget.

Unli street food

Ang hilig ng mga Pilipino sa street food ang nagbigay ng ideya sa Filipino Fiesta shop owner na si Cristina Bontjer na magpa-unlimited street food at turo-turo buffet tuwing weekend. 

Nariyan ang sari-saring inihaw, isaw ng baboy at manok, meron ding kwek-kwek, squid balls, hotdog on stick at marami pang iba. 

Hindi naman sya nabigo dahil agad itong pumatok sa mga Pinoy.

"Maraming klase ng street food. Matrabaho pero worth it naman kasi maraming Pilipino ang sumusuporta"

"Natitikman na nila yung mga pagkain na sa Pilipinas lang nila nakakain dati. "

Anong naaalala mo sa tuwing kakain ka ng Pinoy street food?

Isa sa mga hindi nakapigil pumila para matikman ang namimiss na pagkain si josh Descanso. Maraming ala-ala daw ang bumabalik sa kanya sa tuwing kumakain ng Pinoy street food.

"When you talk about street food yung family or barkada ang lagi kong naa-alala. Every after game or basketball yun ang go to food namin"

May sarili din syang gusto sa klase ng luto, lalo na sa paborito nyang isaw.

"Gusto ko yung texture nya, gusto ko yung burnt side ng isaw kasi malutong sya"

Puno din ng good memories ng pagkabata si Rosie Descanso. Dumadayo pa daw sya sa kabilang barangay para lang mag turo-turo.

 "Favorite ko yung dugo o betamax kasi yung texture nya medyo malambot. Dun sa lugar ng lola ko maraming tindahan at ihawan. Yung mga ihawan nila noon yung de-paypay pero kapag asensado na, electricfan na ang gamit (laughs)"

Si Jenny naman na dito na lumaki sa Australia, natakam din sa iba't ibang meryendang Pinoy. Sinamahan pa ng palamig, at desserts  tulad ng gelatin at buko pandan.

Para sa kanya the best naman ang barbecue lalo na kung kumpleto ang sahog ng mga sawsawan na suka na may sibuyas at sili.

Pero isa sa mga street food na paborito ng marami  ang di nya kayang kainin, ang adidas!

"When I looked at the chicken foot, it doesn't really appeal to me. So i'll stick with the pork or chicken meat skewers"

Kanya-kanyang panlasa at kanya-kanyang trip din sa pagkain. Pero pag tambayan, pulutan , ulam at meryenda ang pag-uusapan, laging kasama ang mga Pinoy street food.

Bukod sa pag-alala sa masayang kainan sa Pilipinas, isang paraan din ito ng mga Pinoy sa Australia na tangkilingin ang mga pagkaing bahagi ng ating pagka-Pilipino.

Share