Ano ang mga karaniwang dahilan kung bakit hindi naaprubahan ang visa?

Visa Refusal

Visa Refusal Source: Getty Images/maybefalse

Sa episode na ito ng Trabaho, Visa atbp., inisa-isa ng abogado na si Mark Jeffrey Abalos ang mga rason ng Visa refusal at ano ang mga dapat gawin.


Ang podcast series na 'Trabaho, Visa, atbp.' ay tinatalakay ang mga isyu at impormasyon sa migrasyon tuwing Huwebes sa SBS Filipino. 

Pakinggan ang audio:

LISTEN TO
What are the common reasons for Australian visa refusal?  image

Ano ang mga karaniwang dahilan kung bakit hindi naaprubahan ang visa?

SBS Filipino

16/06/202217:06



Highlights

  • Malaking bagay sa aplikasyon ng visa ang mga dokumento, maiging kumpletuhin at suportado ng mga ebidensya.
  • Ilan pa sa binabantayan ng mga Case Officer ang Character, Health at Financial requirements.
  • Sakali namang hindi maaprubahan ang visa, kumonsulta sa isang professional upang maintindihan ang rason at kung maari pang umapela.

Maraming aplikante ng Australian Visa ang nakakaranas na hindi maaprubahan ang visa.

Ayon sa Principal Lawyer ng No Borders Law Group na si Atty. Mark Jeffrey Abalos, iba’t iba ang sitwasyon at dahilan kung bakit may Visa Refusal.

Hindi kumpletong Visa application form 

Ang kakulangan sa sinagutang visa application form ay karaniwan sa mga aplikasyon sa pamamagitan ng papel at kadalasan dyan ay ang pagkalimot sa pagpirma sa huling bahagi ng form gaya ng values statement. 

Maaring hindi maaprubahan ang inyong visa sakaling hindi malagdaan ang values statement sa ilalim ng Public Interest Criteria (PIC) 4019. 

Hindi balidong pasaporte

Ayon sa  Public Interest Criteria (PIC) 4021 o “the passport requirement”, bilang aplikante ng visa kinakailangan na may balidong pasaporte na na-issue ng opisyal na ahensya. 

Hindi maaprubahan ang visa kung wala nito maliban na lamang kung ang otoridad ay hindi makapag-issue ng bagong passport dahil sa kalamidad, giyera o iba pang kahalintulad na sitwasyon. 

Kulang na mga dokumento 

Ang kakulangan sa dokumento na susuporta sa legal na criteria ay maari ding magbunsod ng visa refusal. 

Dapat na magbigay ng kaukulang dokumento o ebidensya na susuporta sa mga nabanggit mo sa iyong aplikasyon. 

Halimbawa ay sa Partner Visa, dapat na magbigay ng mga retrato at dokumento sa tagal inyong pagsasama kasama ng mga kaibigan, pamilya at komunidad. 

Palsipikadong dokumento o pagbibigay ng maling impormasyon 

Maaring hindi maaprubahan ang visa kung nagbigay ng mga palsipikadong dokumento o dokumento naglalaman ng maling impormasyon. 

Ayon sa Public Interest Criteria 4020, wala dapat na ebidensya mula sa aplikante ng visa na dokumento na bogus o ang impormasyon ay hindi totoo, panloloko o gawa-gawa lamang. 

Character Requirements 

Ang Public Interest Criteria 4001 o ang Character requirement ay naga-apply sa halos lahat ng aplikasyon sa visa. 

Maaring hindi maaprubahan ang visa application kung ang aplikante ay may substantial criminal record. Sa depinisyon sa Section 501 ng Migration Act, ang substantial criminal record ay kung ang tao ay nasintensyahan ng parusang kamatayan, habambuhay na pagkakakulong, pagkakakulong ng 12 buwan o mahigit pa o nasakdal dahil sa wala sa katinuan na nagresulta na madetine sa isang institusyon. 

Maari ding hindi maaprubahan ang aplikante kung nahatulanl dahil sa pagtakas sa immigration detention, miyembro ng organisasyong kriminal, nadawit sa smuggling o trafficking, genocide, war crimes, torture, slavery, nakasuhan ng sexually based offences sa mga bata, nahatulan dahil sa domestic violence o naging subject ng domestic violence order.  

Health Requirements 

Ang Australia ay isa sa may maganda at maayos na health standards sa mundo at para mapanatili ito, ang mga visa applicant ay kailangang pumasa sa minimum health standards bago maaprubahan sa ilalim ng Public Interest Criteria 4005 o 4007. 

Ang dahilan ng health requirement ay upang maprotektahan ang mga Australian mula sa mga panganib ng mga pampublikong kalusugan gaya ng sakit na tubercolosis. Pangalawa ay upang makontrol kung magkano ang gagastusin ng bansa sa social security benefits, allowances at pension. At panghuli ay masiguro na sapat para sa mga Australian Citizen at Permanent Resident ang serbisyon sa kalusugan. 

Financial Requirements 

Ilang uri ng visa gaya ng Visitor at Student ay nangangailangan ng ng pangkalahatan o ispesipikong pinansyal na kapasidad. 

Halimbawa ang mga aplikante ng Student Visa mula sa Pilipinas ay kailangan magpakita ng pera na aabot sa AUD 21,041 at dagdag na gastos sa pagbyahe na AUD 2,000. Maari ding ang mga magulang ng aplikante ang magpakita ng ebidenysa ng kanilang personal na annual income na aabot sa AUD 62,222 sa nakaraang 12 buwan. 

Kung sakaling hindi maaprubahan ang inyong visa application, magpapadala ng abiso ng desisyon sa pamamagitan ng sulat na may kalakip na paliwanag kung bakit ito ay hindi aprubado. 

Paunawa: 

Ang pangkalahatang paliwanag at impormasyon ay gabay lamang. Para sa dagdag na impormasyon at payo na naayon sa iyong problema o sitwasyon, kumonsulta sa isang abogado o registered migration agent. 

Share