Pakinggan ang audio
LISTEN TO

What are the signs of a heart attack and what to do if it happens?
SBS Filipino
07:15
Ayon sa Australia First Aid sakit sa puso o coronary heart disease ang tinaguriang pangunahing dalihan ng maraming pagkamatay sa loob ng higit kalahating siglo.
Sa datos ng Australian Bureau of Statistics (ABS) 12,728 katao ang namatay dahil sa sakit sa puso noong 2021 dito sa Australia.
Highlights
- Kabilang sa sintomas ng atake sa puso ay pakiramdam ng isang tao na nabubulunan, mabigat ang mga braso, kinakapos sa paghinga, pinapawisan ng malamig, nahihilo at naduduwal.
- Kalahati ng populasyon ng mga kalalakitan at higit 30 porsyento ng mga kababaihan na nasa edad 45 ay nagkakaroon ng sakit sa puso.
- Maaring maiwasan ang sakit sa puso kapag ugaliin ang healthy lifestyle.
Subalit, maaaring maagapan kung alam ang sintomas ng atake sa puso o heart attack. Dahil kapag agad mabigyang lunas o gamot mas mataas ang tsansa na mabuhay at gumaling.
Pinaliwanag ng cardiologist na si Dr Garry Jennings mula Heart Foundation kung ano ang nangyayari kapag sinasabing inatake sa puso.

Heart disease is the leading cause of death in Australia. On average, one Australian dies every 12 minutes as a result of a cardiovascular disease. Source: Getty Images/zf L
"Nangyayari ang atake sa puso kapag may bara sa pangunahing ugat sa puso. Dahil dito kulang na ang nabibigay na supply ng oxygen at sustansya sa puso at ito ang magiging sanhi panghihina at pagkamatay nito."
At kahit iba-iba ang palatandaan o sintomas na nararamdaman ng bawat tao, dapat tandaan may mga pangkaraniwang sintomas ang atake sa puso na dapat bantayan.
Ayon sa Cardiologist na si Dr Rob Perel mula Queensland Cardiovascular Group kailangan alisto kapag nakakaramdam ng pananakit ng dibdib o chest pain.
" Unang sintomas sa pananakit sa dibdib ay masakit at masikip ang dibdib nagsisimula ito sa kaliwang bahagi ng dibdib hanggang sa sentro nito. Hanggang ang sakit ay kumalat mula panga hangang kaliwang braso.
Isa pa ay ang tinatawag na angina, sintomas din ito ng sakit sa puso pero hindi atake sa puso. Mas sumasakit ang dibdib kapag naglalakad at kapag nakapahinga naging tolerable ang sakit nito at ang sakit nito ay nasa isang banda lang na bahagi ng puso."
Kabilang sa mga sintomas na dapat tandaan ay gaya ng pakiramdam mo ay parang nabubulunan, mabigat ang mga braso, kinakapos sa paghinga, pinapawisan ng malamig, nahihilo at naduduwal.
Kapag may nararamdamang sintomas o kahit isa sa mga kasama sa bahay o malapit sa’yo agad tumawag sa triple zero (000).
Dagdag ni Dr Perel kapag nagawa mo nang tumawag, huwag mo itong kalimutang gawin.
"Dapat agad pumunta o magpadala sa ospital dahil ito lang ang may kapasidad na gumamot sa tulad nitong kondisyon. Kapag nasa ambulansya na pinapainum ang biktima ng aspirin.
Kailangan umupo at magpahinga at higit sa lahat huwag lagyan ng pressure ang bahagi ng dibdib hanggang sa matingnan ng doktor ."
Ayon naman kay Dr Jennings kahit hindi segurado sa sintomas na nararamdaman kung ito ba ay atake sa puso, agad pumunta sa ospital, dahil sabi nito mahalaga ang bawat segundo para maisalba ang buhay.
"Kahit hindi ka sigurado na ang nararamdaman mo ay sintomas na ng atake sa puso pumunta pa din sa ospital dahil sa ganitong kondisyon mahalaga ang bawa minuto, para maisalba ang buhay."
Dito sa Australia, 50 porsyento ng populasyon ng mga kalalakihan at higit 33 porsyento ng mga kababaihan na may edad 45 taong gulang ang nagkakaroon ng sakit sa puso.
Nakakabahala ang bilang na ito, subalit ang kagandahan nito ay maaring maiwasan na mapabilang sa may sakit sa puso.
Sabi ni Dr Perel kailangan lang ugaliin ang healthy lifestyle.
"Mataas ang tsansa na magkaroon ng atake sa puso ang mga naninigarilyo, mabigat ang timbang at hindi nag-eehersisyo. Kung mataas naman ang cholesterol, may alta presyon, may diabetes. Dapat din mag-ingat ang mga nasa lahi na ang sakit sa puso.
At ang sagot paano ito maiwasan, huwag manigarilyo, dapat normal ang timbang, kumain ng tama at masustansyang pagkain, iwasan ang ma-cholesterol na pagkain, at dapat i-manage ang diabetes at ipagamot ang alta presyon."
Dagdag paliwanag ni Dr Garry Jennings importanteng ugaliin ang regular na i-check o suriin ang blood pressure, dapat lagi itong normal.

Heart disease is the leading cause of death in Australia. On average, one Australian dies every 12 minutes as a result of a cardiovascular disease. Source: Getty Images/Terry Vine
"Humigit kumulang sa 50 porsyento ng populasyon dito sa Australia ay may alta presyon at iilan lang sa kanila ang may alam na may ganito silang kondisyon at kadalasan binabaliwala ito.
Sana kahit papaano bigyan nila ang atensyon ang kalusugan mapababa ito sa normal na level para hindi humantong sa atake sa puso."
At pahabol ng Cardiologist na si Dr Jennings sa lahat para maisalba ang buhay, tumayo sa upuan at mag-ehersisyo, bigyan ng panahon ang sarili na makapaglakad para sa tamang sirkulasyon ng dugo at bumaba din ang timbang.

Eat the right food. Source: Getty Images/Peter Dazeley
"Alam na natin ang pangit na resulta ng palaging nakaupo, walang exercise, sedentary lifestyle. Wala ng physical activities dahil nakaupo lang palagi, nasa computer ang trabaho, hindi naglalakad dahil nakasasakyan palagi.
Ito ang mapanganib na dala ng modernong pamumuhay palagi lang nakaupo, at hindi namamalayan humahantong ito sa sakit sa puso at marami pang sakit."
Ayon sa mga eksperto napakaliit ng tsansang aatakehin sa puso kapag ugaliin ang healthy lifestyle.
Subalit kapag nangyari ito sa’yo o nang nasa paligid mo, tandaan ang mga sintomas ng atake sa puso at agad kumilos ng mabilis para maisalba ang buhay.
Para sa karagdagang impormasyon, bisitahin ang The Heart Foundation sa