Ano ang cryptocurrency at ligtas bang mag-invest dito?

Cryptocurrency

Source: Getty Images/George

Maraming Australians at mga tao sa buong mundo ang nagka-interes na mag-invest sa cryptocurrency ngayon, na tila hindi alam ang dalang peligro na maloko at maka-invest sa pekeng crypto.Tanong ng marami ano ba ang cryptocurrency at ligtas ba mag-invest dito?


Highlights
  • Libu-libong Cryptocurrency ang naglipana sa buong mundo, pinakakilala ay ang Bitcoin, Ethereum, Litecoin and Dogecoin.
  • Ang coins ay ginagamit sa pangangalakal, pagbili at pagbayad at higit sa lahat, pinaka-popular ginagamit itong investment.
  • Dahil walang regulating body ang cryptocurrency gaya ng banko o financial institution, maraming imbestor ang nalugi o nawalan ng pera.
Ang Cryptocurrency ay nagsimula noong mga taong 2000 at ang pinaka-unang sumikat ay ang Bitcoin.

Pinaniniwalaang ang isang Satoshi Nakamoto o grupo nito ang gumawa pero hanggang sa ngayon hindi pa rin ibinunyag ang tunay na katauhan ng gumawa ng Bitcoin.

Ang digital currency na ito ay gumagalaw sa pamamagitan ng cytography at ginamitan ng sistemang blockchain technology.
LISTEN TO
What is Cryptocurrency and should you invest in it? image

What is Cryptocurrency and should you invest in it?

SBS Filipino

10:01

 

 

Paliwanag ng co-founder ng finder.com.au na si Fred Schebesta ang blockchain ay may mahalagang papel sa pagpapatakbo ng Bitcoin.

“Blockchain ay isang public ledger, parang libro ng accounting ng debit at credit para masundan ang galaw ng tokens at ang tokens ay kumakatawan  sa cryptocurrency at blockchain ang sumusubaybay dito.”

Naimbento ang blockchain technology noong 1980’s at nakitang magandang sistema ito para masundan ang galaw ng pera kaya ginamit ito sa cryptocurrency market.

Kahit sino pwedeng gumawa ng cryptocurrency kaya libo-libong ang naglipana ngayon sa cyberspace pinakapopular ay ang Bitcoin, Ethereum, Litecoin at Dogecoin.

 Ito ay ginagamit sa pangangalakal o trading, pagbili at pagbayad, pero pinakasikat itong gamiting investment. Karamihan sa cryptocurrencies gaya ng Bitcoin ay maari kang makakuha o mag- withdraw ng pera sa mga ATM machines sa mas mababang charges.

Maari ding makabili ng token gamit ang tunay na pera, at dahil nakadepende ito sa market rates, maaring kaunti o marami ang mabibili na token.

Kaya maraming tao ang kumikita dito, at ang iba nga, ay nagsasabing naging mga milyonaryo matapos mag-invest sa cryptocurrency.

Kaya tanong tuloy talaga bang kikita ng malaki kahit maliit ang investement sa ganitong sistema?

Ang sagot ni Schebesta maraming posibilidad na mangyayari kapag kita o profit ang pag- uusapan sa cryptocurrency.

“ Sa napag-alaman ko marami ang nagsasabi na naging milyonaryo sila dahil bumili sila ng cryptocurrency. Bumili sila sa simula ng taon pagkatapos ay tumaas ang presyo nga crypto.”

Para sa mga baguhan sa larangan ng investment, ay mas madali ang kita sa cryptocurrency, pero mataas din ang panganib na malugi o mawalan ng pera.

Dahil ang cryptocurrencies ay walang banko o kahit anong financial institution na kumokontrol o nagre-regulate.

Kaya ang blockchain technology ay ginawa para ang mismong imbestor ang magkontrol at mag-update sa lahat ng kanyang transaksyon. Sa ganitong paraan walang pananagutan ang cryptocurrencies.

Sabi ni Dr. Adam Steen na isang Professor of Practise sa Department of Accounting sa Deakin University sa Melbourne, walang totoong halaga ang cryptocurrencies, kaya lang marami ang na-enganyo dahil sikat.

“Digital token ang tawag nila dito, binary codes lang , yong ones at zero na nakikita mo sa computer.”

Dagdag pa nito ang cryptocurrency ay nagsimula bilang isang makabago at kakaibang investment opportunity at bigla itong sumikat at naging uso.

At dahil nga walang regulating body ang cryptocurrency, maraming imbestor ang nalugi o nawalan ng pera dahil sa naloko matapos napasukan ng cyber scams.

Taong 2017, isang hinihinalang cryptocurrency ang itinatag dito sa Australia, na pinangalanang Plus Gold Union Coin o PGUC. Marami ang nagka-interes at nag invest lalo na ang mga migrant communities.

Kumita ito ng higit $200,000 sa loob ng ilang taon, mula sa inisyal na investment na $7,500 bawat token.

Sinuyo ng husto ng mga promoter ang mga malalaking komunidad hanggang sa nakuha nito ang loob ng mga tao.

Dito na sinimulan ang paggawa ng naglalakihang presentasyon tungkol sa PGUC sa buong bansa hanggang sa marami ang nahikayat na mag-invest.

Isa sa nag-invest sa Plus Gold Union Coin, ang itatago natin sa pangalang John Doe. Ayon sa kanya 2017 sinimulan nyang mag-invest dahil sa nahikayat sya ng kanyang kaibigan.

 “Sabi ng promoter kapag mag-invest ako sa PGUC, garantisadong malaki ang maibabalik sa akin na pera.Kailangan ko lang bumili ng coins dun bilang investment at ang maturity ay 12 at 6 months”

Dagdag pa nito magaling ang pagkagawa ng marketing campaign.

“Inimbitahan ako ang daming tao at may pinakakita silang multimedia presentation at dun ang mga testimony at tinanung ko ang mga andun lahat sila ngsabi  maganda ang balik ng pera kaya nag-invest ako”

Pati ang paraan ng operasyon maganda, kaya marami ang na-enganyo na mag invest mula sa iba’t-ibang komunidad dito sa Australia.

“ Nung panahong yon ang lakas ng Bitcoin,  ang laki ng halaga ng palitan ng coins, at ganun din ang PGUC. Sabi ng promoter mula India  ito at  ganun nga mga promotors at investors ay Indians.”

Subalit, Disyembre 2017 biglang bumagsak ang cryptocurrency price ng PGUC kaya naghinala ang mga imbestor na naloko sila.

Target kasi ng mga manloloko o scammers ay ang mga mahihinang indibidwal kaya migrant communities sa buong mundo ang kanilang biktima.

Lalo’t karamihan sa kanila ay hirap makaintindi at makapagsalita ng English, kaya madali silang mabiktima ng mga manloloko.

“Maraming na ang naloko dito sa Australia, may pumupunta sa mga myembro sa komunidad tapos sabihing bigyan nyo ako ng pera at i-invest natin at kikita ito ng milyon-milyon pagkatapos makuha ang peera biglang naglaho na.”

Marami ang nagiging biktima ng mga manloloko o scammers at phishing scandals kahit pa ang malalaking kompanya dito sa bansa, dahil napagkamalan nila itong tunay.

Kaya ang tanong paano malaman ang scam?

 Payo ni Dr. Steen, pinakaligtas gawin ay burahin at huwag sagutin ang mga hindi kilalang emails, at tawag sa telepono.At higit sa lahat huwag makinig sa mga investment advice na hindi tiyak kahit pa mula ito sa kakilala.

 “Dito sa Australia may mga government agency na nagbibigay ng imporasyon para sa customer at negosyo, para protection laban sa scams. At kung  biktima ng scams pwede magsumbong  at habulin ang mga may sala.”

At narito ang ilang tips para ang investment ay mapunta sa tama at hindi mabiktima ng mga manloloko.

Una, komunsulta o humingi ng payo sa mga eksperto gaya ng financial advisors, abogado, at accountants dito sa bansa.

Kung ang offer na return ng cryptocurrency ng investment ay sobrang laki , tanda ito na gusto lang nitong akitin ang mga tao sa scam.

At higit sa lahat, huwag magtiwala agad sa mga sinasabi ng ibang tao at iwasan ang mga payo na hindi galing sa eksperto.

Para sa karagdagang impormasyon, bisitahin ang www.moneysmart.gov.au

Basahin din/Pakinggan

Share