Alamin kung ano ang diskriminasyon sa lugar ng trabaho at kung ano ang gagawin kung ikaw ay maging biktima nito

What is workplace discrimination and what to do if you think you are a victim

What is workplace discrimination and what to do if you think you are a victim Source: Pexel/Sora Shimazaki

Dito sa Australia naglalahad kada dalawang taon ang Diversity Council of Australia ng Inclusion@Work Index. Ito ay isang pag-aaral na tumutukoy sa mga nangyayaring pang-aabuso at diskriminasyon sa lugar na pinapasukan sa buong bansa.


Ang diskriminasyon sa lugar na pinapasukan ay nangyayari kapag ang boss o  amo ay gumagawa ng aksyon o hakbang  na di makatarungan sa  isang indibidwal o empleyado, dahil lang sa kanyang pinanggalingang lahi, kulay, edad, sexual orientation, pagiging buntis o kaya'y pananampalataya.

At dapat malaman ng lahat na wala itong pinipiling posisyon, kahit sino, nagiging biktima o nakakaranas ng ganitong pagtrato sa loob ng pinapasukang trabaho.


 Highlights

  • May konretong batas ang lahat ng teritoryo at estado ng Australia para bigyan ng proteksyon ang mga biktima ng diskriminasyon.
  • Ayon Diversity Council of Australia, ang mga Aboriginal at Torres Strait Islanders ang may pinakamataas na kaso ng diskriminasyon sa kanilang lugar na pinapasukan.
  • Ayon sa Fair Work Act, hindi mali at  diskriminasyon kapag ang isang amo ng isang empleyado at hindi ginawang basehan ang kanyang katangian sa ginawang desisyon o hakbang.

Ayon kay Patrick Turner na isang Senior Associate na eksperto sa Employment at Industrial Law sa Maurice Blackburn Lawyers sa Brisbane. 

Ang adverse action o paggawa ng maling aksyon laban sa isang tao  ay isang legal term kagaya ng pagtanggal ng isang empleyado sa kanyang pinapasukan, o pagbibigay ng maling impormasyon para sa ikakasama ng kanyang reputasyon sa trabaho para ito  ay matanggal- ang lahat ng ito ay mali at hindi makatarungan.

“Halimbawa nito ay kapag binawasan ka ng sahod, binigyan ka ng warning at binabaan ang posisyon ng isang empleyado, o di kaya'y pagbabanta-lahat ng ito ay nakakasakit sa kalooban ng tao.”

At ayon kay Meghann Papa na isang  Senior Lawyer sa Anderson Gray Lawyers na naka-base sa  Sydney, may mga batas sa lahat ng estado at teritoryo sa Australia na nagbibigay proteksyon sa mga biktima ng pang-aabuso at nakakaranas ng diskriminasyon sa loob ng kanilang pinapasukang kompanya o tanggapan.

“Nangyayari ang diskriminasyon sa loob ng lugar na pinapasukan kapag ang isang tao ay tinatrato ng hindi maganda  dahil sa kanyang lahi, kulay, edad, relihiyon at kasarian.”

Dagdag ni Papa dapat alamin isa-isa ang isinumbong na diskriminasyon ng isang empleyado para malaman kung matatawag ba itong diskriminasyon o hindi.

 “Halimbawa ng diskriminasyon ay ang pagpapagawa ng isang empleyado ng isang bagay na hindi kayang gampanan nito dahil sa kanyang disability o edad at kapag bigo ito, nakaka-apekto ito sa kanyang trabaho.”

At sabi ni Papa maraming mukha ang  ginagawang diskriminasyon  ng mga amo sa kanilang mga empleyado.

“Isa pang halimbawa ay kapag pinapag-overtime palagi ng boss  ang isang empleyado imbis na matatatapos ito ng 2:30 pm para masundo niya ang kanyang anak sa eskwelahan."

Pero sa ganitong sitwasyon, mas mainam na ipa-alam  ng empleyado sa kanilang boss ang kanilang sitwasyon para madaling mahanapan ng paraan ang mga pangyayari.

Ayon sa Diversity Council noong 2019 ang mga Aboriginal at Torres Straits Islanders ay may pinakamataas na kaso na nakaranas ng diskiminasyon sa kanilang pinapasukan.

At sa bawat industriya, iba-iba ang nararanasang diskriminasyon. Ang mga empleyado sa Finance at Service Industries ang naiulat na may mataas na kaso, dahil sa marami sila at iba-iba pa ang kanilang pinanggagalingan. Habang ang manufacturing industry ang naiulat na may pinakamababang lebel na suportang na nakukuha kapag nakakaranas ng  diskriminasyon.

 Base sa  Fair Work Act, kung ang  diskriminasyon sa isang empleyado ay hindi dahil sa kanyang katangian kagaya ng kulay, lahi , edad, buntis ,pananampalataya at sexual orientation ay hindi ito matatawag na maling aksyon.

Sabi Lisa Annese,  ang Chief Executive Officer ng Diversity Council Australia, iba naman kung ang pag-uusapan ay tungkol sa performance management kagaya ng  pagbibigay ng mababang rate sa pagganap sa trabaho ng isang emleyado.

“Hindi matatawag na diskriminasyon kapag binigyan ng mababang rating ang isang empleyado dahil sa performance sa trabaho pero kapag binabaan ang rating nito dahil sa lahi o edad, ibang usapan yan.”

Dagdag pa ni Turner, madalas ang diskriminasyon ay nakakalito pero may mga pagkakataon na ang nangyari ay hindi matatawag na diskriminasyon.

“Halimbawa, kapag bawal pumasok sa opisina ng lasing pero pumasok ka at napagsabihan, walang nangyaring diskriminasyon kapag parehas ang trato sa’yo at sa ibang empleyado kapag nagkamali.”

Pero ang tanong, alam mo ba ang gagawin kung totoong biktima ka ng diskriminasyon?

Ayon kay Papa, importanteng agad ipaalam sa iyong amo o nakakataas na nakakaranas ka ng diskriminasyon at kung binaliwala ang iyong sumbong o walang aksyon, agad humingi ng abiso  mula sa isang abogado.

“Agad ipaalam sa employer mo kung biktima ka ng diskriminasyon. Pwede idaan sa grievance committee ng kompanya o makipag-usap sa unyon pero kapag walang aksyon ang boss himingi ng payo sa abogado.”

Dagdag pa nito, dapat malaman ng bawat tao dito sa Australia na mahigpit na ipinagbabawal sa batas ang diskriminasyon.

At kung mapapatunayan na ang isang empleyado ay biktima ng diskriminasyon, mahahanap nito ang hustisya.

“May mga kaso na mababalik ka sa trabaho kapag tinanggal, at pwede ding bayaran  bilang danyos sa sakit na dulot ng diskriminasyon. May training din na pinapagawa ang tanggapan para di na maulit ang insidente sa opisina.”

Paalala ni Lisa Annese mula sa  Diversity Council ang lugar ng trabaho ay nagiging  buo  o magka-isa, kapag ang lahat  ng indibidwal sa loob ng tanggapan ay  nabibigayan ng  respesto sa bawat isa at dito din nagsisimula ang magandang pagsasamahan.

“Kapag napagsamasama mo ang iba’t-ibang indibidwal sa isang kompanya dyan lumalabas ang mga bagong ideya para sa ikabubuti ng lahat, dahil tumataas din ang performance at maganda ito para sa kumpanya o tanggapan.

Para sa karagdagang impormasyon o tulong, bisitahin ang Fair Work Ombudsman sa  https://www.fairwork.gov.au 


Share