Gaano kahalaga ang paggawa ng isang will and testament o habilin dito sa Australia

A will is a legal document with instructions for who you want to inherit your estate, care for your children, and be the executor of your estate when you pass away.

Source: Getty Images/seksan Mongkhonkhamsao

Lumabas sa isang pag-aaral na karamihan sa mga Australians ay minamaliit ang kahalagahan ng paggawa ng will and testament o habilin. Subalit, payo ng mga eksperto dapat prioridad ang pagpaplano para sa mga mahal sa buhay. Pero ano nga ba ang will, sino ang dapat gumawa at ano ang nakapaloob dito?


Highlights
  • Lumabas sa ginawang pananaliksik na isa sa dalawang Australians ang walang ginawang will and testament
  • Ayon sa mga eksperto ang maling akala, kultura, at pamahiin ang dahilan kung bakit hindi gumagawa ng will ang mga tao
  • Ang mga kayamanan o ari-arian ay maibahagi ayon sa batas ng estado o teritoryo kung namatay ng walang will
Pakinggan ang audio
LISTEN TO
Why it's important to have a will in Australia image

Why it's important to have a will in Australia

SBS Filipino

07:33
Ang will and testament o habilin ay isang legal na dokumento  kung saan nakasaad dito kung sino ang magmamana ng iyong mga ari-arian, magbabantay sa mga bata at kung sino ang mamamahala ng iyong mga naiwang property  kapag pumanaw ka.

Lumabas sa ginawang pag-aaral sa taong 2015, ang mga matatandang Australians na may malaking pagmamay-ari ang karaniwang mayroong will and testament.

Natuklasan naman ni  Adam Steen, Professor of Practice sa Deakin University, na muling nagsagawa ng isang masusing pananaliksik sa taong 2017, lumabas na halos kalahati ng kanyang respondent ay walang ginawa o hindi pa ayos ang will para sa mga mauulila kung sila ay mamamatay.

" Karamihan sa mga tao ayaw pag-usapan ang will at mga habilin pati na ang kamatayan. Kaya marami malaki ang bilang ng mga tao na walang will mga 50 porsyento o mas mababa pa."
Experts points out that having a will is important, not just for asset distribution, but also for nominating guardians for minors.
Experts points out that having a will is important, not just for asset distribution, but also for nominating guardians for minors. Source: Getty Images/Paul Bradbury
Napag-alaman din ni Professor Steen na ang dahilan kung bakit hindi gumagawa ng will and testament ang mga tao dahil sa mga pamahiin at maling akala.

“ Mataas ang bilang ng tao ang nag-iisip na hindi na kailangang gumawa ng will. At  ganun din ang nag-iisip na kapag gumawa ng will sila ay mamamatay at ang iba naman ay nagsasabi wala kaming pera o ari-arian."

Ayon kay Solicitor Dean Kalymnios kung mamatay ang isang tao na walang ginawang habilin ang tawag dito ay intestacy. Dahil sa maraming kayamanan magiging pahirapan para sa pamilya ang pagkuha ng pag-aari . Sapagkat  ang  kanyang kayamanan ay sasailalim sa proseso batay sa alituntunin ng isang  teritoryo o estado.

Kaya sabi nito ang paggawa ng habilin ay makakatulong para mapagaan ang proseso ng paghahati ng mana para sa maiiwang pamilya.

“ Karamihan sa mga tao ay nag-iisip na kapag gumawa ng will, malapit ng mamatay. Hindi naman natin sila tinatakot pero wala ni isa sa ating ang alam kung kailan dumating ang kamatayan, kaya magandang ideya na magplano.

Mali din ang akala ng marami na sinasabing kapag hindi gumawa ng will at namatay kukunin ng  estado ang lahat ng ari-arian. Kung mamatay ka sa ibang estado, magiging komplikado kung sino magmamana sa property."

Babala pa nito kapag walang ginawang will ang paghahati ng mamanahin ng pamilya ay magiging komplikado dahil dadaan ito sa proseso ayon sa batas ng estado o teritoryo.

At seguradong ang paghahati ng yaman ay hindi alinsunod sa gusto ng nagpapamana.

"Ang ibang ari-arian kasi ng tao ay komplikado, may mga busines interests, may shares at iba-iba pa ang uri ng property. Kaya ang paggawa ng will makakatulong ay makatulong paano ito ipamana.
Expert says various misconceptions and superstitions are among the reasons that people refrain from making a will.
Expert says various misconceptions and superstitions are among the reasons that people refrain from making a will. Source: Getty Images/skynesher
May mga pagkakataon naman na ang may ari ng property ay may gustong ipamana sa anak , apo  o sino pa man na nanaisin, kaya ang paggawa ng will ang magpapadali sa hakbang na ito."

Habang nagiging uso ang online Do-it-yourself will kits sa Australia, ang pagkuha ng legal na payo ang pinakaligtas na opsyon.

Dapat tandaan hindi lang solicitors o abogado ang pwedeng umalalay sa paggawa ng will, makakatulong din ang mga State Trustees sa inyong lugar.

Ang kagandahan nito ay pinamamahalaan ito ng gobyerno sa inyong estado o teritoryo.

Ang Public Trustees ay sumisingil din ng bayad subalit seguradong hindi mabubutas ang iyong bulsa dahil regulated ang bayad sa kanila, ibig sabihin maliit lang ang bayad.

May fee exemption din para sa mga pensioners o mga indibidwal na may edad 60 pataas.

Paunawa ni Michael Spiegel ang Executive General Manager of the Trustee Services division sa Victorian State Trustees.

Ang pagkakaroon ng will and testament ay napakahalaga hindi lang para sa paghahati ng mana, kung hindi para na din madeklara kung sino ang magiging guardian sa minor o maliliit na anak  kapag ang isang tao ay mamamatay.

"Kapag walang ginawang will at namatay ang tao, ang maging guardian sa mga bata o sinuman ay  base na sa pipiliin ng estado alinsunod sa batas nito at pipili sila sa mga kamag-anak.

Kaya mas mainam na gumawa ng will at ilagay ng magulang kung kanino ihabilin ang mga bata kung sakaling mawala ka."

Dagdag nito napakahalaga din ang will para sa mga migrants na may anak na minor o ang edad ay 18 taong gulang pababa, na walang ibang kaanak dito sa Australia.

"Halimbawa sa aming pamilya, ang aming mga anak ay  isinilang sa ibang bansa pero dito na sila lumaki sa Australia. Iniisip naming mag-asawa na mas mahirap kung mawala kami at walang magbabantay sa mga bata.
Experts say tensions in the family arise in the absence of a will.
Experts say tensions in the family arise in the absence of a will and will should discussed among family members.. Source: Getty Images/skynesher
Kaya ang ginawa namin pumili na kami ng matalik na kaibigan na alam naming aalagan sila kung sakaling mawawala kami. Mas laking pasakit sa mga bata kung maiiwan na sila at walang mag-aaruga sa kanila "

Pahabol ni Dean Kalymnios sa sariling karanasan sa paggawa ng will sa kanyang mga kliyente, may mga pagkakataon na ang ethnic backgrounds ay nakikialam sa paghahati ng mana.

Kaya sabi nito napakahalaga ang paggawa ng will dahil  makakatulong para  maingatan ang pinaghirapan ng mga magulang para sa pamilya, upang harapin ang di pa tiyak na bukas.

“ Sa totoo lang mas maging klaro at maayos para sa lahat kung gagawa ng will. May ibang paniniwala kasi na ang ari-arian ay paghahatian ng lahat pero dito sa batas ng Australia ang family property ay dapat sa pamilya mapupunta."

Saad din ni Michael Spiegel ang paggawa ng will and testament  ay makakatulong para maiwasan ang gulo sa pamilya.

"Kapag ang kagustuhan ng namayapa ay hindi ipinaliwanag, magiging malabo ang lahat. At yan ang magiging simula ang gulo sa pagitan ng pamilya. Nararapat kasi na bago mawala i-ayos na ang lahat para iwas sa gulo. Dapat ipaliwanag sa pamilya ang will ang testament, para walang masu-sorpresa."

Para naman sa mga gumagawa ng will gamit ang Do-it-Yourself online kit, maaari itong ipa-check sa solicitor o Public Trustee. 


Share