Pinay sa edad na 66 nag-aral para tulungang palaguin ang negosyo ng kanyang "forever"

english skills, tafe digital

Brian at Letty Milner showcasing their products Source: Letty Milner

Kilalanin ang isang Pinay na nakatagpo ng kanyang 'forever' dito sa Australia sa edad na 62. At pinabilib pa nito ang asawang Australian dahil nag-aral ito ng English, para tumulong palaguin ang kanilang negosyong olives.


Highlights
  • Ang pagiging masaya ng isang tao ay nakadepende sa sarili nya
  • Nag-aral si Letty para matulungang paunlarin ang negosyo ng asawa nya, makihalubilo sa komunidad, at mkapag-volunteer sa mga charity institutions.
  • Maraming programa ang gobyerno para sa mga bagong migrante
"Si Brian ang kumumpleto sa buhay ko," ito ang bukang bibig ng 66-anyos na si Leticia Bacornay Milner o mas kilalang si Letty, mula Laguna.

Taong 2013 nagkakilala sa isang website si Letty at asawang si Brian Milner mula sa  South Australia. Pero di nagtagal, naputol ang kanilang komunikasyon.

Hanggang taong 2017, inimbitahan si Letty ng kanyang kaanak dito sa Australia para mag-bakasyon, kaya sinubukang kontakin nito si Brian at parang himala dahil makalipas ang apat na taon muling nabuhay ang kanilang pagkakaibigan.

Kaya napagkasunduan nila na magkita. Pero ang di alam ng dalawa, na sa kanilang unang pagtatagpo dito sa Sydney, magsisimula ang  maganda nilang pagtitinginan.

Byuda si Letty sa kinakasama sa loob nang mahabang panahon at mag-isang binuhay ang apat nitong mga anak, habang si Biran, diborsyado naman.

At dahil may kanya-kanyang buhay na ang mga anak nito, gusto naman nito na pagtuonan ang sarili.
Kasal nila Letty at Brian Milner
Kasal nila Letty at Brian Milner Source: Leticia Milner

Pangalawang pagkakataon sa pag-ibig

"September 28, 2017 nung magkita kami parang ang tagal tagal na naming  magkakilala so parang swak agad  (laughs) so dun na nag-umpisa" masayang kwento ni Letty.

Dahil nagkamabutihan na ang dalawa, sa sumunod nga na taon, Hunyo 3, 2018 nangyari ang matagal ng pinangarap ni Letty, na sa edad na 62 anyos,  ay maikasal sa kanyang minamahal , at dinayo nga ni Brian ang Pilipinas.

"I give myself a second chance in love. Ito talaga ang gusto kong gawin matapos alagaan ang mga anak, gusto ko may makasama sa buhay, aalagaan ko sya at aalagaan din nya ako. Talagang masaya ako dahil nakahanap ako ng forever sa edad kong ito," dagdag ni Letty.

Magkatuwang sa pagpapalago ng negosyo

Nang bumalik sa South Australia ang mag-asawa, natutunan ni Letty ang negosyo ng asawang si Brian. Bilang isang industrial chemist pinasok nito ang pagnenegosyo  at dahil may taniman ng olives at iba’t-ibang prutas. Sila na mismo ang namimitas at napo-proseso dito. Kada dalawang lingo, dumadayo ang sila sa local market para ibenta ang kanilang produktong Olives at fruit jams. At pinaka-kakaiba nilang produkto, ang olives in chocolate.
Leticia Milner gumagawa ng Olives in Chocolate
Source: Leticia Milner
"Maliban sa extra virgin olive oil, meron kaming chili infuse oil, garlic infuse oil, fresh kasi yong olives namin kaya hinahanap ng tao pati na yong dessert na olives in chocolate."

Pag-aaral ng wikang Ingles

Kwento ni Letty magkasundong-magkasundo sila ng asawa sa pamumuhay sa farm pero merong gustong gawin si Letty para tulungan ang kanyang mahal na asawa sa negosyo.

Aminado kasi si Letty kulang siya sa kompyansa sa sarili sa  pagharap sa kanilang mga customers lalo na ang pagsasalita ng English, para ibenta ang kanilang produkto, kaya nag-aral ito ng English  sa pamamagitan ng  AMEP o Adult Migrant English Program sa Digital Tafe.

"At first hesitant ako kasi baka hindi na ako matuto dahil 66 na ako. Di ako computer savvy, pero libre naman kaya I grabbed the opportunity. Nung nag-aaral na ako unti-unting bumabalik yong  mga English words ko na matagal ng nakatago sa baul," sabi ni Letty.

Disyembre 2020 nagsimulang  pumasok online si Letty, isang beses kada dalawang lingo ang kanilang klase at masaya sya dahil  binigyan sya ng pagkakataon para matuto at nakikita nga ng  kanyang mga guro ang kanyang kakayahan.

"Mababait yong taga-Digital TAFE, nakausap ko so na-encourage ako  na mag-aral. Isa pa sa nag-encourage sa akin na mag-aral ay na-accelerate ako sa next level within one month," ani Letty.

At unti-unti ngang  naramdaman  nito na mas komportable na syang makipag-usap sa tao at higit sa lahat natutulungan na nya ang asawa sa negosyo. Kaya nagpasample na nga  sya ng kanyang demonstration sa kanilang produkto.

Ani Letty kung iisipin mahirap para sa kanila dahil parehong may edad na silang mag-asawa. Pero dahil sa masaya sila sa kanilang pagmamahalan, mas naging makabuluhan ang kanilang pagsasama.

"Kaming dalawa, namimitas ng olives, nagpo-proseso ng mga ito. Wawanan at puro biroan lang kami kaya masaya talaga. Napaka-supportive ng asawa ko. Binilhan ako ng laptop sa para sa pag-aaral ko. Siguro maswerte lang talaga ako sa kanya," kwento ni Letty.
Letty nagbebenta sa mga local market sa South Australia
Letty nagbebenta sa mga local market sa South Australia Source: Leticia Milner

Tulong sa komunidad

Sa ngayon, patuloy ang supporta ng mag-asawang si Letty at Brian sa mga kawang-gawa, sa pamamagitan ng pagbibigay ng parte ng kanilang kita sa mga charitable institution.

"Dinadala namin ang aming produkto sa mga op-shop, kapag nabenta nila may percentage sila doon, tapos dinadala sa  Adelaide sa Women and Children’s Hospital."

Panalangin ng mag-asawa , sanay dugtungan pa ang kanilang buhay para mahabang panahon pa silang magkasama dito sa mundong ibabaw. May panawagan din si Letty  na sanay pamarisan sya ng marami pang migrants lalo na silang mga kabataan.

"I just don’t want to waste the opportunity na binibigay ng gobyerno sa akin, sa  adopted country ko. In return, I wanted to give back and show my gratitude to the people of Australia who welcomed me,"kwento pa nito.

Sa magandang karanasan ni Letty dito sa tinatawag nyang pangalawang tahanan, isa lang  umano ang kanyang pinagsisihan kung bakit  ang tagal nyang  makarating dito, sanay marami pa syang mgawa kasama ang asawa, kaya payo nito sa mga bata  sulitin ang panahon na maging kapakipakinabang.

BASAHIN/PAKINGGAN DIN

Share