Mga bagong patakaran ng Australia para sa pagbabalik ng mga international students

University representatives hold signs as international students arrive at Sydney Airport in Sydney, Monday, December 6, 2021.

University representatives hold signs as international students arrive at Sydney Airport in Sydney, Monday, December 6, 2021. Source: AAP Image/Bianca De Marchi

Matapos ang halos dalawang taong sarado ang border ng bansa dahil sa ipinatupad na restriksyon para sa mga international students, binuksang muli ito ng gobyerno. At kasunod nito ay inilatag ang mas maluwag na mga patakaran para sa mga student visa holders, sa pag-asang babalik ang sigla ng mga ito na bumalik sa bansa para mag-aral.


Pakinggang ang audio:
LISTEN TO
How Australia is welcoming international students back image

How Australia is welcoming international students back

SBS Filipino

08:58
Bukas na ang  bansang Australia sa lahat ng mga international students mula sa iba’t-ibang bahagi ng mundo. Bilang ganti sa pagpili ng mga estudyante na ipagpatuloy ang kanilang pag-aaral dito sa bansa, may mga pabor o concession na ipinagkaloob ng gobyerno sa kanila.

Disyembre 2021, binuksang muli ang border ng bansa para sa mga kompleto na ang bakuna na mga estudyante, at ipinatupad ang gobyerno ang visa fee waiver.


Highlights 

  • Australia, pansamantalang inalis ang restriksyon sa oras ng trabaho ng mga student visa holders
  • Ang mas mababang babayarin sa  unibersidad ay makakatulong para ma-engganyo ang international students sa  Australia para mag-aral kaysa pumunta sila sa ibang bansa
  • Ang pagbibigay ng scholarship ay makakatulong din para piliin ng gustong mag-aral sa ibang bansa ang Australia

Student visa refund

Ayon kay Nasir Nawaz na isang registered migration agent sa  ‘The Migration’ maraming  nagawang bagong batas na pabor sa mga international student.

"May malaking pagbabago ang nangyari dahil sa pandemya, silang mga international students na dumating sa bansa mula  19 Jan 22 hanggang 19 March 2022, ay kwalipikadong mag-apply ng refund sa student visa application."

 Ang mga estudyanteng dumating mula  Enero 19 hanggang sa Marso 19, 2022 ang kanilang student visa application refund  ay pwedeng i-apply hanggang sa katapusan ng Disyembre 2022.

Restriksyon sa pagsisimula ng trabaho inalis

Isa pang tulong ng gobyerno  sa mga estudyante ay maaari ng agad magsimula ng trabaho kahit na hindi pa nagsimula ang kanilang  pasukan, habang nasa concession period.

"Kahit sabi ng immigration condition 8105, na hindi maaaring magtrabaho ang isang student visa holder kapag hindi pa nasisimula ang klase. Subalit ngayon, inanunsyo ng Australia na maaari ng magtrabaho agad ngayong concession period."

Sa pagbabalik tanaw, dagdag ni Nazir maraming hirap ang pinagdaanan ng mga international students dahil sa pandemya, pati na ang kanilang mental health ay apektado.

“Doble ang hirap na pinapasan ng mga international students sa panahon ng pandemya dahil una, malayo sila kanilang pamilya at hirap silang makapagtrabaho kaya hindi sila makakapasok, paano sila magbayad ng tuition."

At dahil sa ipinatupad na international border restrictions, maraming mag-aaral at temporary visa holders ang umuwi sa kani-kanilang bansa at hindi nakabalik dahil sa pandemya. Marami din ang nag-aalala sa kanilang hinaharap dahil napaso na ang kanilang visa at bigo pa silang makapasok sa bansa.

"Ayaw nilang umuwi sa kanilang bansa dahil kung uuwi sila, alam nila na seguradong hindi sila makakabalik sa Australia.  At marami ding umuwi bago ang pagsasara ng border ang natengga. May mga napaso na din ang visa, kaya mentally at financially ang hirap na dinanas ng mga ito."

Si Imran Khan na tapos ang kursong  medicine at  surgery mula sa bansang China ay  bago lang nakapasok sa bansa para simulan ang Masters  sa Public Health.

"Tapos na ako ng MBBS sa China. Tapos nag-enroll ako ng  Master of public health sa Central Queensland University Sydney campus. Dahil sa pandemya, hindi ako nakabyahe sa Australia, so pinagpaliban ko muna hanggang March 2022."

Sabi ni Imran masaya sya at niluwagan  ng gobyerno ang mga patakaran para sa kagaya niyang  international student na bago lang  nakapasok sa bansa.

"Ngayong nakabalik na ako at masaya ako na niluwagan ng gobyerno ang maraming patakaran para sa mga student visa holders, gaya na lang ng pwede akong magtrabaho kahit na hindi pa nagsimula ang klase."

Graduate visa, mas pinahaba ng isang taon

Bago ang pandemya,  ang patakaran ng immigration ay  dapat pisikal na pumasok ang isang estudyante sa mismong  eskwelahan o on campus education,  bago mag-qualify para sa Graduate Visa subclass 485.

Subalit ngayong may pandemya,  kahit silang mga naka-online studies at ginagawa ito sa labas ng Australia, pagkatapos ng kurso ay maaari ng maka-apply ng graduate visa.

"Bago ang pandemya, ang mga nasa on-campus study o nasa eskwelahan talaga na pumapasok ang maaaring maka-apply ng Graduate visa subclass 485, ngayon, kahit ang mga naka-online pwede ng mag-apply ng 485."

Kwalipikado din para mag-apply silang naka-online studies sa extention o karagdagang taon ng graduate visa kapag natapos nito ang isang masters o bachelor’s degree.

"Dati kapag master's o bachelor ang kurso pwede mag-apply ng  2 years na 484 visa, pero ngayon ginawa ng bansang Australia na 3 years ang graduate visa para sa coursework o research."

Working rights niluwagan

Ang mga student visa holders ay maaaring makapagtrabaho na hindi limitado ang oras lalo na silang kabilang sa critical sector katulad ng frontline workers o mga  propisyon  na higit kinakailangan ng bansa.

Samantala, inanunsyo ng gobyerno na pansamantalang inalis nila ang working hours restriksyon sa mga student visa holders  sa lahat ng sektor at inaasahang rerepasuhin ang patakarang ito sa Abril 2022.

Kung ang gobyerno ay nagbibigay ng pabor para sa mga estudyante,  ayon sa registered migration agent na si Nazir,  sana’y babaan din ng mga unibersidad  ang tuition para ma-engganyo silang mga international students na bumalik at tapusin ang kanilang pag-aaral dito sa bansa.

"Maganda ang resulta ng ginawang pagluluwag ng restriksyon ng gobyerno para sa mga student visa holders pero sana mas makakatulong dito kung babaan din ang babayarin ng mga unibersidad, hindi yong tataasan nila ang fees."

Pag-alok ng scholarship at pagbaba ng bayarin sa unibersidad

Sinang-ayunan naman ito ni Muzammil Rizwan Khan mula sa Step Up Profession, sabi nito  kung babaan ng mga unibersidad ang kanilang babayarin  seguradong pipiliin ng mga international students ang bansang Australia para mag-aral kumpara sa ibang  mayayamang  bansa.

"Sa totoo lang, ang Australia ang may pinakamahal na bayarin kung pag-aaral ang pag-uusapan, kumpara sa Canada at UK, kaya hindi lang gobyerno ang seguro ang gagawa ng pagbabago dapat kasama ang mga university at colleges."

Dagdag nito makakatulong ding ma-engganyo ang mga estudyante kung magbibigay ng scholarship ang gobyerno para dito na sila mag-aral sa bansa.

"Ang pagbibigay ng scholarship at babaan ang tuition at iba pang babayarin ng mga university at colleges ay makakatulong para piliin ng mga estudyante mula sa iba't ibang bansa ang Australia para dito mag-aral."

Paalala sa lahat ng pasahero  dapat sundin ang lahat ng alituntunin ng bawat estado at teritoryo  sa kanilang pagdating sa bansa , pati na sa mga lugar na kanilang bibisitahin.

Para sa karagdagang impormasyon, bisitahin ang Department of Home Affairs sa kanilang website covid19.homeaffairs.gov.au/international-students


Share