Iba't-ibang kaugalian at kulturang Pinoy na ikinabibigla ng mga Australyano

Cultural differences among couples

Source: Pexels

Pinatunayan ng ilang Australian na nakapag-asawa ng Pilipina na kahit ipinanganak sila mula magkaibang mundo, handa nilang unawain ang kultura ng bawat isa.


Pagsutsot para tawagin ang kakilala

Isang malakas na sutsot mula sa Pilipinang asawa ng Australyanong si Stanley ang kanyang narinig habang nasa loob sila ng isang mall. Nagtaka siya kung bakit sumusutsot ng ganun ang kanyang asawa. Maya-maya humagalpak ito ng tawa habang papalapit ang isa pang Pilipina.

Napagtanto niya na ang sutsot o psst !!!!Psst !!!Ay isa sa mga ugaling Pilipino ng pagtawag ng atensyon o pagbati sa isang kakilala.

Isa lamang si Stanley sa mga taong nakaranas ng mga kakaibang kultura ng mga pinoy lalo at nakapag asawa siya ng isang Pilipino.

Habang tumatagal ang kanilag relasyon mas madami siyang natuklasan.

Isang umaga aatakihin daw siya sa puso dahil parang may kaaway sa telepono ang kanyang asawa.

"Yes you are very loud people, sorry (laughs). Especially when you go on the phone sometimes, [I thought you were fighting] but when you look at the face you are not fighting you just talk very loud," ani Stanley.

Kape, gamit na sabaw sa kanin

Likas na maasikaso daw ang mga Pilipino, kaya hindi pwedeng hindi siya kakain ng agahan bago pumasok sa trabaho, pero tila pinabangon siya ng isang amoy na parang binabangunot siya sa baho.

"That’s the worst smell I've ever smelled, when cooking dried fish."

Nakita niyang nakatayo sa kalan ang kanyang asawa habang nagtatalsikan ang mantika sa kawali at nakita ang tatlong piraso ng tuyong isda  na kanyang piniprito. Nakita niya ang excitement sa mata ng kanyang asawa sa pagkain nito, habang naghahain at nagtitimpla ng kape.

Habang kumakain, nagulat siya ng isabaw nito sa kanin ang kape na tinimpla, kaulam ang tuyong niluto na isinawsaw sa sukang may bawang. Hindi rin ito gumamit ng kutsara at tinidor kundi nag kamay ito.

"Very strange when you put rice in the coffee. I never seen that and I will not do it( are you willing to try?) not sure (laughs)"

Pagkatapos kumain, kinausap niya ito na kung maaari ay sa labas na siya magluto ng tuyo dahil hindi niya talaga kaya ang amoy. Bagay na naunawaan naman daw ng kanyang asawa.

Paggamit ng tabo

Likas din na masayahin ang kanyang asawa. Biruin mong nagkakaubusan na ng toilet paper sa mga tindahan noong isang taon dahil sa pandemic, nagawa pa siyang pagtawanan nito.

Mas sanay kasi ang mga Pinoy na gumamit ng tabo pagkatapos mag banyo. Kaya hindi problema kung mawalan ng toilet paper.

Magagandang kaugalian ng mga Pinoy

Pero nakita niya sobrang mapagmahal ang mga Pilipino sa pamilya, bagay na wala daw siya.

"Filipinos are family orientated  I think it’s good. My brothers and sister now are fighting, my dad hate each other."

Magiliw din daw tumanggap ng bisita ang mga Pinoy na pinatotohanan naman ng kanyang kaibigan na isa ring Australiano si Daney.

"I found them very responsive, very happy people, willing to share their food, willing to share especially the drinks."

Napatunayan nila na bagama’t ipinanganak sila mula sa magkaibang mundo, henerasyon, kultura at kaugalian, pinagtagpo naman sila ng mga puso na handang unawain at magmahal alang- alang sa pamilya na kanilang binuo.

Sana ganun din daw ang mapagtanto ng lahat kung sakali na mabigla sa kultura ng bawa’t-isa. Huwag daanin sa insulto, panghuhusga o magalit, kundi tanggapin na tayong lahat ay pantay- pantay lamang at ipakita pa rin ang paggalang at irespeto sa lahing pinagmulan.

BASAHIN/PAKINGGAN DIN

Share