Mga paboritong pagkaing Ilokano at masasayang alaala na dala nito

Filipino food

Popular Ilocano dishes:(top, L-R) 'Pinapaitan', 'bagnet' (Image from Getty Images/junpinzon); 'tupig' and 'dinengdeng' (bottom) Source: Getty Images/junpinzon; SBS Filipino and Omar Ramos

Sa bawat inihahain na pagkaing Ilocano ni Chef Omar Ramos, sinasariwa nito ang masasayang alaala niya noong siya ay nasa Pilipinas.


Highlights
  • Bawat rehiyon sa Pilipinas ay may ipinagmamalaking pagkain
  • Ilan sa mga kilalang pagkaing Ilokano ay ang bagnet, pinakbet at pinapaitan.
  • Sa bawat pagkaing Ilokano na inihahain ni Chef Omar Ramos, alaala ng pagkabata at masayang pamilya ang dala nito.
Lumaki sa Maynila ang Western Sydney chef na si Omar Ramos, pero ayon sa kanya hindi mawawala ang pagka-Ilokano niya.

"Mahilig magluto ang tatay ko. Kadalasan niluluto niya ay pagkaing Ilokano tulad ng pinakbet, kinilaw at papaitan," kwento ni Omar Ramos.

Pagluluto at alaala ng masayang pagsasama-sama

Nagmula sa isang malaking pamilya si Omar. Sa pitong magkakapatid, siya talaga ang nahilig sa kusina. 

“Pito kaming magkakapatid. At sa amin, ako lang yung parang naiwan sa kusina kasi hilig ko talaga ang pagluluto."

"Na-enjoy ko yung mga kwentuhan sa kusina habang nagluluto. Nasa kitchen kasi ang aksyon, sunod sa dining room. Magku-kwentuhan kayo kasama mo 'yung pamilya mo, mga kasambahay o mga kaibigan". 

Mga natatanging pagkaing Ilokano

"Ilan sa mga pagkaing Ilokano na madalas lutuin ng tatay ko ay ang dinengdeng, pinakbet, kinilaw at pinapaitan," ani Chef Omar.

"75% ng mga niluluto namin sa bahay ay pagkaing Ilokano, bibihira lang kami makatim ng iba pang lutuin," dagdag niya.

1. Pinakbet

Pinakbet ang hinding-hindi niya makakalimutanglutuin. Minana niya ang pagluluto nito sa kanyang yumaong ama na lumaki sa Zambales.

“Pinakbet ang talagang isa sa nakasanayan ko na talaga lutuin."
Omar Ramos
'Pinakbet' (local vegetables like snake beans, okra, bitter melon, tomatoes, eggplant cooked in fermented anchovy fish) Source: A. Violata
"Kukuha lang noon ang tatay ko ng mga gulay sa harapan ng bahay. Tapos meron kaming stock ng bagoong (fermented small fishes) na galing naman sa mga lola ko na may pagawaan nito sa Zambales," aniya.

Para kay Chef Omar, "ang tunay na Ilokano ay ‘yung nakikita mo yung mga tanim mo, kukunin mo at 'yung ang iluluto mo. Kung anong meron sa likod bahay o sa garden, ‘yun ang inilalagay sa pakbet. Basta may bagoong okay na."

2. Bagnet at Dinuguan

Isa sa pinakakilalang lutuing Ilokano ang 'bagnet'. Paborito ring lutuin ng ama ni Omar ang bagnet. Bagaman mahaba ang proseso ng pagluluto nito, marami naman itong pwedeng paggamitan.
Bagnet
'Bagnet', pork cooked through the process of marinating, tendering, boiling, spicing it up again, then drying it up again, then deep fried to get that crunchy and crackling on the skin. Source: Getty Images/junpinzon
"Maraming pwedeng gawin sa bagnet. Pwede mo siyang gamitin sa pinakbet. Pwede din sa kare-kare sa halip na pata o buntot ng baka ang gagamitin."

"May sarili din akong bersyon ng 'dinuguan' (meat cooked in pork blood). Imbes na lamang-loob ng baboy, bagnet ang gagamitin ko."

3. Pinapaitan

Lagi namang espesyal ang mga handaan lalo na kung Pasko kung mayroong pinapaitan na nakahain sa mesa.
Ilocano food
'Papaitan', a bitter Philippine stew usually made with goat or beef tripe and offal with bile as a flavouring Source: A. Violata
Ang pinapaitan, ay kilalang Ilokanong putahe  na may lamang-loob ng kambing o baka at nilalagyan ng apdo para sa mapait-pait na lasa nito.

"Dumadayo pa talaga kami ng Marikina para makakuha ng lamang loob at apdo," lahad ni Ramos.

4. Patupat (rice cake wrapped in coconut leaves)

May dala ring masayang alaala ang pagluluto ng patupat, isang uri ng suman na sikat sa hilagang bahagi ng Pilipinas.
Omar Ramos
'Patupat', rice cake wrapped in coconut leaves Source: Getty Images/Irina Marwan
Niluluto ang malagkit sa gata ng niyog na parang sinaing pero dahan-dahang hinahalo-halo hanggang sa magmantika. Kapag naluto na iyon, binabalot ito sa dahon ng niyog.

Medyo mabusisi nga lang ang paggawa ng balot ng patupat. Mula sa dahon ng niyog, isa-isang pino-porma na parang bangka ang mga dahon at doon inilalagay yung nalutong malagkit. Kapag naibalot, ilalagay naman sa steamer at mga 1 oras pang nakasalang para makumpleto ang luto nito.
Patupat
Coconut leaves are interwoven into a shape like boat where it is used to wrap the cooked glutinous rice and further cooked into a 'patupat' (rice cake). Source: Getty Images/Ferdz Decena
Matrabaho man ang pagbabalot at mahaba-haba man ang proseso ng pagluluto, masaya naman ang pamilyang Ramos kapag kanilang ginagawa ito dahil tulong-tulong sila kung gawin ito.

5. Tupig (grilled glutinous rice cake)

Ang tupig ay isa pang pagkain na natatangi para sa maraming mga Ilocano.

Para makagawa nito, ginigiling ang malagkit tapos nilalagyan ng kakang-gata ng niyog at pulang asukal. Hinahalo at nilalagyan ng sariwang lamang ng buko saka binabalot sa dahon ng saging at pagkatapos ay iniihaw sa baga para makuha ang tamang pagkakaluto.

Natutunan ni Omar Ramos ang pagluluto nito mula sa ina na mahilig din sa pagluluto.

Image

Hilig sa pagluluto

Hindi maikakaila ang hilig sa pagluluto ni Omar Ramos. Mula sa Pilipinas, hindi nawala ang hilig nito sa pagluluto nang unang manirahan sa New Zealand noong taong 2003 kung saan siya nagtayo ng isang cafe.

Sa kanyang paglipat sa Australia noong taong 2012, ito rin ang kanyang naging negosyo hanggang sa maitayo niya ang Angelees Kitchen. Nagluluto siya ng mga pagkaing Pilipino kasama na paboritong putaheng Ilokano na dinuguan, bagnet at pinakbet.

Bagaman nagsara ang kanyang negosyo noong 2017 dahil sa labis itong naapektuhan sa pagpanaw ng kanyang ina, patuloy naman si Chef Omar sa kanyang pagluluto. Ngayon nakatuon sa online food service at sa mga kakaning Pilipino.
Omar Ramos
Chef Omar Ramos with his late mother, Dely. Source: Omar Ramos Facebook
Kahit na may full-time itong trabaho, ang kanyang hilig sa pagluluto ay hindi mawawala sa kanya. Dahil sa bawat lutuin, hatid nito ay masasayang alaala ng kanyang pagkabata at masayang pamilya.

Kaya panawagan niya sa lahat, na subukan ang pagkaing Pilipino hindi lamang dahil sa natatanging sarap at lasa nito kundi sa bawat kwento na mayroon ang bawat isang pagkain na halaw mula sa mga minanang iba't ibang kultura ng mga Pilipino.

"It’s a mixture of the East and the West and the traditional Filipino ones. Once in a while tickle your buds with the Filipino food," pagtatapos ni Chef Omar.

BASAHIN DIN/PAKINGGAN

Share