May saya sa hirap: Karanasan ng Pinoy nurse sa aged care

Andrea Mae Hilario  with family.jpg

Ang pagtatapos ng anak ni Andrea Mae Hilario sa Primary School sa Sydney noong Disyembre 2021. Credit: Andrea Mae Hilario

Alamin ang mga sakripisyo at tagumpay sa buhay ng isang Pinoy nurse na nagtatrabaho sa isang aged care facility ngayong ginugunita ng buong mundo ang Linggo ng mga Nars.


Key Points
  • Higit 10 taon hinintay ng pamilya ni Andrea Mae Hilario ang permenent residency nila sa Australia.
  • Respeto, pagbaon ng mahabang pasensya at pagturing sa mga matatanda na sariling mga magulang o pamilya ang sekreto ng mas masayang career sa aged care.
  • Inamin nito na napamahal na sa kanila ang mga residente na kanilang inaalagan, subalit may mga residente at pamilya nito na hirap pakitunguhan kaya ''draining' din ang pagiging carer sa aged care.
  • Umaasa ang Pinoy nurse na hindi mabaon sa limot ang pangako ng gobyerno para sa mga health care workers tulad ng mga carers at nurse sa aged care reform program.
Taong 2013 ng dumating sa Australia ang dati ng nurse sa Pilipinas na si Andrea Mae Hilario kasama ang asawang si Christopher.

Pero naiwan sa bansa ang kanilang nag-iisang anak sa pangangalaga ng kanilang mga magulang. Kaya todo kayod ang mag-asawa dito sa Australia para mapunan ang kanilang pagkukulang sa anak pati na sa mga nag-aalaga dito.

Dahil sa pangungulila ng anak, hiniling nito na umuwi sila Andrea at asawa nito sa moving up ceremony ng anak, bagay na pinagbigyan naman ng mga ito. Ngunit hindi nila inakala na magkaroon ng problema ang kanilang pag-uwi sa kanyang pag-aaral ng nursing.

"Sabi ko anak anong gusto mo sa moving up mo marami kang award? sabi niya wala gusto ko lang tanggapin ang award na kasama kayo, kaya nagbook na kami ng ticket. Sa uni akala ko na naipasa na compulsory test sabi ng professor hindi ko daw na achieve ang minimum requirement. Nag-counselling pinaliwanag ko ang sitwasyon ko na malayo ako sa anak at may moving up, pero hindi talaga naipasa.

Hindi ako nagregret sa decision ko na-delay man ako pero its something na maalala ng anak ko forever, " kwento ni Andrea.

Ang nangyari pinaulit kay Andrea ang isang subject kaya naantala ang pagkuha nito ng kanyang lisensya bilang nurse sa Australia.

Andrea Mae Hilario RN graduation.jpg
Disyembre 2017 natapos sa kursong Bachelor in Nursing sa isang unibersidad sa Sydney si Andrea, dumalo sa pagdiriwang ang ina nito na nag-alaga sa kanyang anak. Credit: Andrea Mae Hilario
At Disyembre 2017 natapos din nito ang kursong Bachelor in Nursing.

Habang kinu-kumpleto ang kinakailangan para sa aplikasyon ng Permanent Residency patuloy na nagtatrabaho bilang Assistant in Nursing o carer si Andrea at asawa.

Marso 2023 dumating ang pinakahihintay ng mag-asawa na makuha ang Permanent Residency nila subalit hindi na ito naabutan ng kanyang ina dahil namatay ito sa sakit na kanser taong 2018.

Andrea Mae Hilario  RN-Australia
Itinuring na pamilya ng Pinoy nurse na si Andrea Mae Hilario ang mga matatandang nasa pangangalaga ng kanilang aged care facility. Credit: Andrea Mae Hilario
Sa ngayon kasalukuyang nurse sa isang aged care facility sa Wollongong si Andrea, subalit inamin nito hindi madali ang kanyang ginagampanan na responsibilidad subalit napamahal na sa kanya ang pagiging nurse o carer sa mga matatanda.

" May pamilya na nagbibigay ng pagkain sa amin dahil nakita nila kung paano namin inaalagaan ang kanilang mahal sa buhay na nasa facility namin.

Nang mamatay ang isa naming residente, dahil sa attachement namin sa kanya humagulgol kami at ang pamilya nya ang nag-comfort sa amin nakakahiya pero ganun ang nabuong relasyon."

Umaasa naman si Andrea na hindi mabaon sa limot ang mga pangako ng gobyerno sa gagawing Aged Care reform, tulad ng pagtaas ng sahod lalo na para sa mga carers dahil marami ang inaasahang dapat gawin para sa mga matatanda.

"Mostly sa carers mababa ang sahod what carers get sa aged care pwedeng kitain sa Bunnings, why put their lives at risk. For nurses mabigat ang work load pero my heart goes to carers dahil marami silang responsibilidad kaya they deserve pay rise."




Share