Pa'no ba magsalansan ng gamit sa loob ng balikbayan box?

Damaged goods inside a balikbayan box

Damaged goods inside a balikbayan box. Photo by: Anne Gutierrez Torres

Kung ito ang unang beses mong magpapa-kahon, alamin kung paano ba maiwasan ang pagkasira ng iyong mga ipapadala sa loob ng balikbayan box.


Key Points
  • Kasama sa pagpapakita ng pagmamahal ng mga Pilipinong nasa abroad ang pagpapadala ng Balikbayan Box sa kanilang mahal sa buhay.
  • Tax Free ang pagpapadala sa Pilipinas ng mga gamit, pagkain at pasalubong ng hanggang tatlong kahon.
  • Unahing ilagay ang mabibigat na items at inirerekomenda ang pagbalot ng bubble wrap at plastic sa mga gamit na madaling mabasag o pagkain at items na maaring tumagas sa loob ng kahon.
Ayon sa Bureau of Customs, umaabot ng higit 400,000 balikbayan boxes ang dumadating sa Pilipinas kada buwan. Pinaka-abalang panahon ang "ber months" dahil sa mga regalo at pamaskong hatid sa mga mahal sa buhay.

Tax free ang pagpapadala sa Pilipinas ng mga gamit, pagkain at pasalubong ng hanggang tatlong kahon. Kailangan personal na gagamitin ang mga laman nito at hindi pang negosyo.

Pakinggan ang Podcast
PANO BA BALIKBAYAN BOX image

Pa'no ba magsalansan ng gamit sa loob ng balikbayan box?

SBS Filipino

11/09/202406:32

May iba’t ibang sukat ng kahon na maaring ipadala via air o sea freight. Para sa mga may planong magpadala ngayong taon, ibinahagi ni Diana Tan mula sa LBC Doonside ang ilang tips sa tamang paraan ng paglalagay sa kahon.

Ayon kay Diana, sa oras na kumpleto na ang mga ipapadala, unahin na ilagay sa kahon ang mabibigat na gamit para maiwasan na masira at maipit ang items tulad ng chocolates at mga pagkain.

Kung may mga delata, mabuting maglagay ng sapin o extrang layer ng cardboard sa ilalim ng kahon.

Dagdag dito, kung maari, iwasan ang mga nasa tetra pack na liquid o mga nasa lalagyan na madaling masira at magdudulot ng leak o pagtagas sa kahon.

Ibalot ng bubble wrap ang mga mga fragile items. Ang mga sabon, lotion, pabango at laundry detergent ay dapat rin nakadoble ng balot at hindi nakalo sa mga pagkain.
wrapping fragile items
Wrapping fragile items. Photo by: Pexels/Cottonbro

Gamitin ang lahat ng espasyo. Kung may mga damit o plush toys, maaring ilagay ito sa pagitan ng mga babasagin na gamit at para maiwasan ang pag-alog ng mga laman sa loob.

Suriin ang expiration date ng mga pagkaing ipapadala at tiyaking na ligtas pa itong kainin pagdating sa destinasyon. Kadalasan inaabot ng 2 hanggang tatlong buwan bago maideliver ang box depende sa lagay ng panahon at mga aberyang nararanasan bago ito maihatid sa mga warehouse at sorting facilities.

Tape
securing a balikbayan box
Siguraduhin na nabalutan ng tape ang bawat sulok at paligid ng kahon.

Dahil maraming pinagdadaanan ang mga kahon, dapat matiyak na selyado at matibay ang pagkakatape ng mga ito at may tamang label tulad ng pangalan at address ng papadalahan.

Bigat ng Box

May limitasyon sa bigat ng mga balikbayanboxes alinsunod sa Occupational Health and Safety measures sa Australia. Ang pinakamalaking kahon ay maaring tumimbang ng 60 hanggang 70 kilos depende sa cargo services provider.

Mga Bawal Ilagay sa Balikbayan Box

May mga regulasyon din na dapat sundin. Ibinahagi ni Angelo Fajardo ng Chenvel Balikbayan Box services sa Melbourne ang mga sinusunod na patakaran sa pagpapadala.

Ayon sa kanya, ipinagbabawal ang mga flamable liquid o maaring magdulot ng sunog, pornographic materials, cash o pera, halaman, alahas at mga armas o baril.

Hanggang 12 piraso ng isang uri ng item ang pinapayagan at dapat ito ay pang personal na gamit. Ang buong listahan ay makikita sa mga website ng inyong napiling cargo company.

Tracking

Makakatulong din kung may listaan ka ng laman ng iyong kahon at idedeklara ito. Ganun din ang pagkuha ng insurance. Sa oras na maipadala na ang iyong box, gamitin ang mga tracker services ng inyong napiling cargo company para malaman ang estado ng iyong padala.

Para sa iba pang pang impormasyon at prosesong nais nyong himayin, wag mag-alala ating isa-isahin sa 'Pano Ba?'.

Share