‘Sobrang bigat sa bulsa’: Ilang international students, umaaray na sa pagtaas ng singil sa upa

stud.jpg

International students Carina Cantil (left photo) and Donabelle Cabotage-Cadano (right photo)

Doble kayod ang ilang international students dahil sa pagtaas ng cost of living sa Australya lalo na ang bayad sa upa.


Key Points
  • Problemado ang ilang estudyante sa pangtustos sa tuition, tumataas na presyo ng mga pangunahin bilihin at iba pang gastos.
  • Nagmungkahi ang partido Greens na magpatupad ng dalawang taong rent freeze pero hindi ito prayoridad ng gobyerno dahil maraming polisiyang kaakibat.
  • Batid ng gobyerno ang problema lalo na sa mga regional areas kung saan nahihirapan ang mga employers na maghanap ng kanilang mga tauhan dahil sa kakulangan ng mga paupahang bahay.
Ramdam ng ilang mga Pinoy dito sa Australia ang bumibigat na pasaning pinansyal, lalong lalo na para sa mga Filipino international students.

Maliban kasi sa sunod sunod na pagtaas ng presyo ng mga bilihin ay dumagdag pa rito ang pagmahal ng singil sa mga nangungupahan.

Pinatunayan ito ni Donnabell Cabotage-Cadano, isang Pinoy international student na kasalukuyang kumukuha ng kaniyang pangatlong kurso na Diploma of Community Services.
DONA- 1.jpg
International student Donabelle Cabotage-Cadano with her family.
Sa loob kasi ng tatlong taong pamamalagi ni Donnabell sa Australia, napansin niya ang malaking pagbabago sa mga gastusin, lalo pa’t kinailangan niyang lumipat sa mas maluwag na paupahan dahil kasama na niya ngayon ang kaniyang asawa’t anak.

“Yes, sobrang bigat sa bulsa. Kasi pag international student, expected na tumaginting na ano [salapi] ang tuition fee, sobrang taas ng tuiton fee ta's iisipin mo pa yung renta mo kada linggo, iba pa yung groceries and ibang expenses. Talagang mabibigatan ka sa bulsa so kaniya kaniyang diskarte lang, kaniya kaniyang survival,” kwento ni Donabell.

Ang sitwasyong ito ang nag-udyok kay Donnabell at ang kaniyang maybahay na isa ring international student para maghanap ng mas murang lilipatan. Bukod pa riyan ay sinakripisyo rin ng mag-asawa ang mga ilang bagay para lamang matustusan ang kanilang mga pangunahing pangangailangan.
Kahit na minsan eh gusto mo sanang magpahinga pero hindi mo magawa, mas pipiliin na lang magtrabaho nang magtrabaho, dalawa ang job, working 7 days
Donabell Cabotage-Cadano
Halos ganito rin ang sitwasyon ni Carina Cantil na doble kayod din upang magampanan ang kaniyang responsibilidad bilang isang anak, manggagawa, at estudyante.
carina - 1.jpg
International Student Carina Cantil
Kamakailan lamang ay nagmungkahi ang Greens, isang political party sa Australia, na magpatupad ng dalawang taon na rent freeze upang mapagaan kahit papaano ang obligasyong pinansyal ng mga residente sa gitna ng sunod sunod na pagtaas ng presyo ng mga bilihin.

Nais din ng nasabing political party na limitahan ng hanggang dawalang porsyento lamang ang pagtaas sa singil ng upa pagkatapos ng dawalang taong pagpapatupad ng rent freeze.

Ngunit ang mga ito ay mananatiling rekomendasyon lamang dahil ayon kay Treasurer Jim Chalmers, hindi muna ito ang prayoridad ng federal government dahil hindi ganoon kasimple ang nasabing polisiya.

Share