Key Points
- Mahalaga para sa mga landlord na suriin ang financial capacity ng mga aplikante bilang tenant ayon kay Michelle Baltazar, isang finance journalist at may-ari ng rental property sa Queensland.
- Sa datos ng 2021 Census, nasa halos 31% o 3 milyon na pamilya sa Australia ang nangungupahan.
- Inirerekomenda ng Domain ang mabilis na pagpapasa ng aplikasyon na may kumpletong IDs at cover letter.
Ang paghahanap ng mauupahang bahay o apartment ay maaaring maging mahirap, lalo na kung maraming aplikante ang nag-aagawan sa iisang property. Upang mapansin ng landlord at magkaroon ng mas mataas na tsansa na maaprubahan ang iyong rental application, narito ang ilang mahahalagang tips:
Bago ka pa mag-apply, siguraduhin mong kumpleto ang iyong mga kinakailangang dokumento. Kadalasan, hinihingi ng landlord o property manager ang sumusunod:
- Proof of income tulad ng pay slips, bank statements, o employment contract
- Identification tulad ng passport, driver’s license, o Medicare card
- Reference mula sa dating landlord o employer
- Rental history kung mayroon ka nang dating inuupahan
Rekomendasyon mula sa real estate property website na Domain, na kapag may nakita kang property na gusto mo, huwag nang mag-atubili sa pagsumite ng application. Maraming landlord ang nagbibigay konsiderasyon sa mga unang aplikante kaya mas mainam na mauna ka sa pila.
Ayon naman sa finance journalist at isa ring landlord na si Michelle Baltazar, gusto ng mga landlord ang nangungupahang may kakayahang magbayad ng renta sa tamang oras. Ipakita ito sa pamamagitan ng maayos na proof of income at bank statements. Kung maaari, magdagdag ng sulat mula sa employer na nagpapatunay na may stable kang trabaho.
Kung kaya mong magbayad ng dagdag na bond o advance payment ng ilang linggo, maaaring tumaas ang iyong tsansa na mapili.
Minsan, nag-aalala rin ang mga landlord kung aalagaan ba ng tenant ang kanilang property. Kung may pets ka, ipakita kung paano mo ito pinananatiling malinis.
Sa ilang pagkakataon, ang isang maikli pero maayos na cover letter ay maaaring makadagdag sa iyong application. Ipaliwanag kung bakit mo gusto ang property at paano ka magiging mabuting tenant.